| Ang ‘Ibadah (Pagsamba) |
|
|
|
Pahina 1 of 2 Tinipon at isinalin ni Khalid Evaristo Sa Islâm, ang ‘Ibâdah (pagsamba) ay isang paraan tungo sa pagpapakadalisay ng kaluluwa habang namumuhay nang malinis, mapayapa at makatwiran sa gitna ng mga pagsubok na matatagpuan dito sa mundo kasama na rito ang ugnayan sa buong pamilya at sa lipunang ginagalawan. Ang pagsamba ay nababatay sa katotohanang ang lahat ng tao ay mga nilikha. Kaya naman, sila ay mga alipin ng Allâh(swt)1, ang kanilang Lumikha at Panginoon na kung Kanino sila nakatakdang ibabalik. Magkagayon, ang paglapit ng tao sa Allâh(swt), sa paraang mataimtim at mapitagang pagsusumamo, nang may katapatan at buong pagpapakumbaba ay tinatawag na ‘Ibâdah. Ang pagsamba ay di-maipagkakailang bahagi ng anumang pananampalataya, kabilang na rito ang pagsamba sa mga diyus-diyusan. Magkagayunman, ang bawa’t relihiyon ay nag-uutos ng iba’t ibang layunin, umaako ng iba’t ibang kaanyuan at ito ay ginagampanan sa magkakaibang patakaran. Sa ibang mga relihiyon, ang pagsamba ay nangangahulugan ng paghubog sa tao tungo sa isang mahigpit na pagpapakasakit at pagtalikod sa makamundong buhay (asetisismo). Sa mga ganitong uri ng relihiyon, hinuhubog nito ang kaisipan ng tao na ituon na lamang ang sarili sa mga rituwal ng pagsamba at isumpa ang kaligayahan at kaaliwan dito sa mundo. Ang ibang relihiyon ay nagtatalaga ng isang lugar bilang natatanging pook na kung saan ginagawa ang pagtawag sa kanilang sinasamba at ipinagbabawal na ganapin ito sa ibang lugar. Mayroon din namang mga relihiyon na ang pagsamba ay maaari lamang gampanan sa ilalim ng pamumuno ng natatanging uri ng tao katulad halimbawa ng isang itinalagang pari (ordained priest). Samakatwid, ang katangian, uri at anyo ng pagsamba ay magkakaiba sa bawa’t relihiyon. Sa pananampalatayang Islâm, ang pagsamba ay may kaugnayan sa pangunahing pananaw nito na ang tunay na batayan ng isang mabuting buhay ay ang tamang paniniwala at pag-iisip, kadalisayan ng kaluluwa at makatwirang pagganap. Sa pamamagitan ng paniniwala sa Kaisahan ng Allâh(swt) na nagtataglay ng lahat ng Ganap na Katangian, hinahangad ng Islâm na linisin ang kaisipan ng tao sa dumi ng pagsamba sa mga diyus-diyusan at pamahiin. Katunayan, ang paniniwala sa maraming diyos (polytheism) at pagsamba sa mga diyus-diyusan (idolatry), na sadyang sumasalungat sa katuruan ng Islâm, ay ibinababa ang tao sa isang antas na hindi naaayon sa kanyang dignidad. Ating tunghayan ang kahulugan ng isang talata sa Banal na Qurán: "Sinabi ng Allah, ‘O Aking alipin! Hangga’t sumasamba at nagmamakaawa kayo sa Akin, patatawarin Ko kayo kahit anupa ang inyong mga pagkukulang. O Aking alipin! Kung makahaharap ninyo Ako bagaman may gamundo kayong kasalanan, haharapin Ko kayo ng gamundong pagpapatawad hangga‘t hindi kayo nagbigay ng katambal sa Akin (sa pagsamba)’.” (Imaam Ahmad 5:154). Tinututulan ng Islâm ang idolatriya at politeismo sa anumang anyo at gaano man ang saklaw nito – tuwiran man o hindi. Sa marubdob nitong pagnanais na buwagin ang pagsamba sa diyus-diyusan, ang Islâm ay nakikita kahit yaong mga di-mahalatang idolatriya. Napupuna nito kahit yaong mga paniniwala at kaugalian na hindi mukhang idolatriya sa mga tagasunod. Ang isa sa mga palatandaan ng ganitong pagnanais na wasakin ang idolatriya ay ang pagbabawal ng Islâm sa pagsagawa ng Salâh (pagdarasal) sa harap ng puntod o libingan. Si Propeta Muhammad(saws) ay nagsabi: Ipinagbabawal din nito ang panunumpa sa ngalan ng sinuman maliban sa Ngalan ng Allâh(swt). Lahat ng ito ay nagpapakita sa matatag na pagsalungat ng Islâm sa pagsamba sa diyus-diyusan. Ang Propeta(saws) ay nagsabi: Sa isang kaganapan sa pook ng Hudaybiyah, nagtipun-tipon ang mga Muslim sa ilalim ng isang punongkahoy at ginanap ang pangako ng katapatan sa Propeta(saws) upang ilaan nila ng kanilang buhay sa landas ng Allâh(swt). Sa paglipas ng panahon, nang makita ni Caliph Umar ang mga tao na nagnanais pabanalin o gawing sagrado ang naturang punongkahoy, siya ay labis na nangamba na ang pagnanais nilang maging sagrado ang punongkahoy na ito’y makasisira ng kanilang pananampalataya. Kaya naman ipinaputol niya ito. Sa pagwasak ng lahat ng bagay na maaaring magbigay kalabuan sa pagkakaiba ng nilikha sa Lumikha, inilabas ng Islâm ang tao mula sa kadiliman ng pamahiin at kamangmangan tungo sa lipos na liwanag ng katotohanan. |
||||