Monday, 06 September 2010
Punong Pahina arrow Kaganapan arrow Ang Eidul-Fitr
Ang Eidul-Fitr PDF Ilimbag Ipadala sa Email

Ni Khalid Evaristo
Oktubre 12, 2007

Gabi ng Huwebes nang magpadala ng mensahe ang ISCAG-Philippines sa mga Imam at Daiyah sa lalawigan ng Pampanga na Eid na kinabusan – araw ng Biyernes.  Naging abala ang mga kalalakihang Muslim sa baryo Palat, Porac, Pampanga sa paghahanda ng pagdarausan ng Eidul-Salaah. 

Image

Bago pa man dumating ang napakahalagang araw na ito, ang mga Imam at Daiyah sa Pampanga at sa karatig-pook nito, katulad ng baryo San Jose at baryo Macapagal ng Florida Blanca, ng baryo Ebus ng Guagua, ng lalawigan ng Lubao, ng baryo Palat ng Porac, at maging ng ilang Muslim sa siyudad ng Angeles at lalawigan ng Apalit, ay nagpulong at nagkasundo na sa baryo Palat ng Porac gagawin ang Salaatul-Eid bilang saporta sa dumaraming bilang ng Muslim sa naturang lugar.  Alhamdullillaah, nagbigay ng pahintulot ang kapitan sa naturang baryo upang gamitin ang isang malaking “covered court” na sadyang akma sa okasyon – umalan man o umaraw.

Naging abala rin sa gabing yaon ang mga Muslimaah sa paghahanda ng almusal na ihahain sa mga magsisipagdalo pagkatapos ng Salaatul-Eid.  Ang mga Muslim sa karatig bayan ay nagsimula na ring ihatid ang mga mahahabang sujada sa naturang lugar galing na kani-kanilang Masjid.

Katulad ng inaasahan, maagang nagsipagdating ang mga Muslim upang ganapin ang Eidul-Salaah.  Humigit-kumalang sa 600 katao ang nagsipagdalo.  Ito ay masasabing isang malaking bilang na rin kung isaalang-alang na ang lalawigan ng Pampanga ay isang Katolikong bayan.  Pagkatapos ng Salaatul-Eid, nagkaroon ng maikling programa na kinabibilangan ng pagbibigay-puwang sa kapitan ng baryo sa kanyang maikling talumpati, pagbibigay-regalo sa naturang kapitan na bagaman isang Kristiyano ay magiliw na nagbigay-pahintulot na gamitin ang naturang covered court sa okasyon ng mga Muslim.  Nagkaroon din ng paligsahan sa mga bata sa pagbasa ng Al-Fatihah,  mga palarong pambata, at tagisan ng talino hinggil sa Islam sa mga nakatatanda. Tuwang-tuwa ang lahat sa mga regalong inaabot sa kanilang pagsali sa mga paligsahan.    

Nawa‎’y nagkaroon ng mabuting bunga ang pag-aayuno ng mga Muslim sa nakaraang buwan ng Ramadhaan.  Dalangin natin sa Allaah na igawad Niya sa atin ang mabuti sa mundong ito at ang mabuti sa kabilang buhay.  Sumainyo nawa ang kapayapaan ang pagpapala ng Allaah.

 
spacer