| Ang Pagiging Matapat sa Sunnah |
|
|
|
|
ni Imaan Grajo Sa Ngalan ng Allah, ang Mapagpala, ang Mahabagin Purihin ang Allah (swt), ang Panginoon ng mga Daigdig. Nawa’y igawad ng Allah (swt) ang kapayapaan at pagpapala sa Kanyang huling Propeta at Sugo na si Muhammad (saws), gayundin sa kanyang buong pamilya at mga kasamahan. Ang Propeta (saws) ay nagturo sa kanyang mga kasamahan ng Sunnah sa pamamagitan ng salita at gawa, at hinikayat ang mga ito na sumunod, tulad ng kanyang sinabi sa Hadeeth: “Panghawakan ang aking Sunnah” at “Sinumang magpabaya sa aking Sunnah ay hindi nabibilang sa akin.” Si ‘Abdullah ibn Mas’ood (nawa'y kalugdan siya ng Allah) ay nag-ulat na si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi: “Walang ipinadalang Propeta ang Allah sa kahit anong nasyong nauna sa akin, malibang mayroon siyang mga alagad at kasamahang nagmula rin sa kanyang nasyon na nagsisunod sa kanyang Sunnah at tumalima sa kanyang mga ipinag-utos.” (Muslim/71) Ang ilang aspeto ng Sunnah na Waajib (itinakdang tungkulin) at ang iba ay Mustahab (itinatagubilin). Ang isang Muslim ay kinakailangang sumunod sa Sunnah ng Propeta (saws) maging ito ay Waajib o Mustahab, hangga't ito ay may matibay na batayan. Ang mga Sahaabah (kasamahan – nawa’y kalugdan sila ng Allah) ay nagpalaganap ng Sunnah ng Propeta (saws) at hinikayakat ang mga tao na magsisunod dito. Ang wastong bilang ng "Takbeerat" (Allahu akbar) habang nagdarasal ay Sunnah Sinabi ni 'Ikrimah: “Nagdasal ako (ng Dhuhur) sa may likuran ng matandang lalaki sa Makkah at siya ay nagbanggit ng ‘Takbeer’ nang dalawampu't dalawang ulit. Sinabi ko kay ibn Abbas na ang lalaki ay luku-luko. Sinabi niya: ‘Nawa'y mawala ka sa iyong ina! (Bawian ka sana ng buhay!) Ang Sunnah ni Abu'l-Qaasim (isa sa palayaw ni Propeta Muhammad [saws]) ay ang mag-Takbeer nang limang ulit sa bawa't Raka'ah, Takbeer sa Ihraam at sa pagtayo para sa ikatlong Raka'ah.” (Bukhari/764) Ang Umupo ng "Muftarishan" sa Pagdarasal ay Sunnah Iniulat ni 'Abdullah ibn 'Abdullah: Nakita ko si 'Abdullah ibn 'Umar (nawa'y kalugdan siya ng Allah) na nakaupo na magkapatong ang mga paa nang siya'y umupo (upang banggitin ang Tashahud habang nagdarasal). Bata pa ako noon at ginaya ko ito, subali't pinagsabihan ako ni 'Abdullah ibn 'Umar na huwag ko itong gawin. Sinabi niya na ang Sunnah ay ang itukod ang kanang paa at ipitin ang kaliwang paa sa ilalim mo [ito ang ibig sabihin ng Iftiraash o pag-upo ng Muftarishan – Tagapagsalin]. Sinabi ko sa kanya, ‘(Bakit) Hindi mo iyon ginagawa?’ Sinabi niya, ‘Hindi ko na ito magawa sa aking mga paa (dahil sa katandaan o sakit)’.” (Bukhari/784) Ang Sunnah para sa isang manlalakbay na paikliin ang kanyang Salaah kung hindi makasabay sa Imaam Sinabi ni Moosaa ibn Salamah al-Hudhali: “Tinanong ko si ibn Abbaas, paano ako magdarasal kapag ako'y nasa Makkah at hindi ko kasabay ang Imaam?” Sinabi niya, “Dalawang Raka'at ang Sunnah ni Abu'l-Qaassim (saws)”. (Muslim/1111) Ang Hajj at-Tamattu' ay Sunnah [Hajj at-Tamattu': ito ay kapag ang peregrino ay pumasok sa Ihraam para lamang sa Umrah, isinagawa ang Umrah, tinapos ang Ihraam at pagkaraa’y papasok sa panibagong Ihraam para sa Hajj – Tagapagsalin] Isinalaysay nina Muhammad ibn al-Muthannaa at ibn Bashshaar: Sinabi sa amin ni Muhammad ibn Ja'afar na si Shu'bah ay nagsabi: “Narinig ko si Abu Jamrah al-Duba'i na nagsabi: ‘Gusto kong magsagawa ng Hajj at-Tamattu’, at may ilang taong nagsabing huwag ko itong gawin. Nagtungo ako kay ibn 'Abbas at nagtanong sa kanya ukol dito, at sinabi niyang isagawa ko ito. Pagkatapos ay umuwi ako at natulog, at may isang dumating sa akin sa panaginip at nagsabi: ‘Ito ay isang katanggap-tanggap na Umrah at Hajj Mabroor [Hajj na isinagawa ayon sa Sunnah ng Propeta (saws)]. Nagtungo ako kay ibn Abbas at sinabi ko sa kanya ang nakita ko sa aking panaginip at sinabi niya: 'Allahu akbar, Allahu akbar, ang Sunnah ni Abu'l-Qaasim (saws)’.” (Muslim/2183 at Bukhari/1465) Ang pagdarasal ng dalawang Raka'at pagkatapos ng bawa't Tawaaf ay Sunnah Sabi ni Isma'eel ibn Umayyah: “Sinabi ko kay al-Zuhri na si Atta ay nagsasabi na ang takdang pagdarasal (Fardh) ay sapat na at hindi na kailangan pang magsagawa ng dalawang Raka'at pagkatapos ng Tawaaf. Sinabi niya: ‘Ang Sunnah ay higit na mainam’. Hindi nagsagawa si Abu'l-Qaasim (saws) nang pitong ulit na Tawaaf sa Ka'bah maliban sa siya ay nagdasal ng dalawang Raka'at pagkatapos nito.” (Bukhari, Baab salaa an-Nabi li suboo'ihi rak'atayn) Isang Sunnah ang pagpapaikli ng Khutbah at pagmamadaling makatayo sa Arafah Sinabi ni Saalim: "Sumulat si Abdul Malik kay al-Hajjaj na nagsasabing huwag siyang maging iba kay ibn 'Umar (nawa'y kalugdan siya ng Allah) hinggil sa (ritwal ng) Hajj. Kasama kong dumating si ibn 'Umar ng tanghali sa Araw ng Arafah. Tumawag siya sa kubol ni al-Hajjaj, na lumabas na balot ng isang kinulayan ng asapran (kulay kahel-dilaw). Sinabi niya: ‘Ano iyon, O Abu Abdur Rahmaan?’ Si Ibn 'Umar ay nagsabi: ‘Tayo na, kung nais mong sumunod sa Sunnah.’ Sinabi niya [al-Hajjaj], ‘Ngayon na ba?’ ‘Oo, ang tugon ni Ibn 'Umar. Sinabi ni al-Hajjaj, ‘Hintayin ninyo ako at magbubuhos lang ako ng tubig sa aking ulo, at pagkatapos ay lalabas na ako.’ Kaya naghintay kami ni Ibn 'Umar hanggang sa lumabas si al-Hajjaj at naglakad sa pagitan naming mag-ama. Sinabi ko, ‘Kung nais mong sundin ang Sunnah, panatilihing maikli ang Khutbah at magmadaling tumayo sa Arafah.’ Ang pagtungo sa Mina mula sa Muzdalifah sa pagbubukang-liwayway ay Sunnah Sinabi ni 'Abdur Rahmaan ibn Yazeed: “Lumabas kami kasama ni 'Abdullah (nawa'y kalugdan siya ng Allah) patungong Makkah, at pagkatapos ay nagtungo kami sa Muzdalifah at nagdasal ng dalawang Salah [Maghrib at Ishaa], ang bawa't Salah ay may kanya-kanyang Adhaan at Iqaamaah. Kumain kami ng hapunan sa pagitan nitong dalawang Salah. At pagkatapos ay nagdasal siya ng Fajr nang dumating ang bukang-liwayway at may ibang nagsasabi na sumapit na ang bukang-liwayway at mayroong ding nagsasabing hindi pa. Kaya naghintay siya hanggang sa maging higit na maliwanag, at siya’y nagsabi: ‘Kapag ang Ameer al-Mu'mineen ['Uthmaan] ay lumakad ngayon patungo sa Mina, siya ay sumusunod sa Sunnah.’ Hindi ko tiyak kung alin ang nauna, kung ang pagpuna ni 'Abdullah o ang paggayak ni 'Uthmaan patungo sa Mina. Binabanggit niya ang "Talbiyyah" hanggang marating niya ang Jamrat al-'Aqabah at nagpukol ng mga bato sa Araw ng Pag-aalay (Yawm an-Nahr). (Bukhari/1571) Ang pagdarasal bago ang Khutbah sa ‘Eidus-Salah ay Sunnah Sinabi ni Taariq ibn Shihaab: “Ang taong unang nagsagawa ng Khutbah bago ang pagdarasal sa ‘Eidul-Salah ay si Marwaan.” Isang lalaki ang tumayo at sinabi kay Marwan, ‘Ikaw ay tumaliwas sa Sunnah.’ Sabi ni Abu Sa'eed, “Ginawa ng taong ito ang dapat niyang gawin, sapagka't narinig ko si Propeta Muhammad (saws) na nagsabi: ‘Sinuman ang makakita ng kamalian ay baguhin ito sa pamamagitan ng kanyang kamay [na kumilos ukol dito], at kung hindi niya kaya, sa pamamagitan ng kanyang dila [na magsalita ukol dito], at kung hindi niya kaya, sa pamamagitan ng kanyang puso [damhin na ito ay mali], at ito ang pinakamahinang pananampalataya’.” (Sinabi ni Abu 'Eesa na ito ay saheeh hasan hadeeth, 2098) Isang Sunnah ang pagkatay ng kamelyo (bilang alay) habang ito ay nakatayo at ang unang paa nito ay nakatali. Sinabi ni Ziyaad ibn Jubayr: "Nakita ko si Ibn 'Umar (nawa'y kalugdan siya ng Allah) na nagtungo sa isang lalaki na pinaupo ang kanyang kamelyo upang ito ay kanyang katayin. Sinabi niya sa kanya, ‘Patayuin mo ito nang nakatali ang unahang paa, sapagka't ito ang Sunnah ni Muhammad (saws).’ (Bukhari/1598) Kapag umiinom, marapat na ipasa ang sisidlan sa kanyang gawing kanan Sinabi ni Anas ibn Maalik: “Nagtungo si Propeta Muhammad (saws) sa aming bahay at humingi ng maiinom. Ginatasan namin ang isang tupa at dinagdagan ito ng tubig mula sa aking balon. Ibinigay namin ito sa Propeta at uminom siya mula rito. Nasa gawing kaliwa niya sina Abu Bakr at 'Umar at ang nasa kanan naman ay isang ‘Bedouin (taong naninirahan sa disyerto). Nang matapos uminom ang Propeta (saws), sinabi ni 'Umar: ‘Narito si Abu Bakr, O Sugo ng Allah,’ habang itinuturo ito. Subali't ibinigay ng Sugo (saws) ang tasa sa Bedouin at hindi kay Abu Bakr o kay 'Umar. Sinabi ng Sugo (saws), ‘Yaong mga nasa kanan, yaong mga nasa kanan, yaong mga nasa kanan.’ Sinabi ni Anas, ‘Ito ang Sunnah, ito ang Sunnah, ito ang Sunnah’.” (Muslim/3785) Ang pantay na paghahati ng Oras para sa mga asawa ay Sunnah Sinabi ni Anas: “Isang bahagi ng Sunnah na kapag ang lalaki ay nakapag-asawa ng isang dating may asawa (diborsiyada o biyuda), at pagkaraa’y nag-asawa ng isang birhen, dapat niyang gugulin ang kanyang pitong gabi sa piling niya. Pagkatapos nito’y dapat niyang gugulin nang pantay ang kanyang oras (sa kanyang mga asawa). At kung siya ay nakapag-asawa ng isang birhin at pagkaraa’y nag-asawa ulit ng isang dating may asawa (diborsiyada o biyuda), dapat niyang gugulin ang kanyang tatlong gabi sa piling niya. Pagkatapos nito’y dapat niyang gugulin nang pantay ang kanyang oras…” (Bukhari/4813) Ang Sunnah sa mga usaping diborsiyo. Ang kahulugan ng kabanata at-Talaaq, 65:1 sa Banal na Qur’an: O Propeta, kapag ninanais hiwalayin ang mga kababaihan (asawa), hiwalayan sila sa kanilang Iddah at bilanging mabuti ang kanilang Iddah …” [Karagdagang paliwanag: Naitala ni Al-Bukhari na si Abdullah bin ‘Umar ay hiniwalayan niya ang kanyang asawa habang siya ay may regla (pamamanahon). Sinabi ito ni ‘Umar bin Al-Khattab kay Propeta Muhammad (saws). Ang Propeta ay nagalit at nagsabi: Utusan mo siyang kuning muli ang asawa at ingatan hanggang sa siya’y maging malinis (mula sa regla), at maghintay hanggang sa siya ay datnan muli ng regla at maging malinin muli. Pagkaraan nito’y kung nais niyang makipaghiwalay, hiwalayan siya kapag malinis na siya mula sa regla (wala ng pagdurugo) at walang nangyaring pakikipagtalik sa kanya.] Kinakailangang bilanging mabuti ang mga araw at alamin kung ilang araw na ang lumipas. Ang pamamaraan ng pakikipaghiwalay ayon sa Sunnah ay hiwalayan siya sa panahong siya ay Taahir (malinis mula sa regla o panganganak), at walang naganap na pagtatalik sa kanila simula nang ito ay maging Taahir. At kailangan ang dalawang saksi sa paghihiwalay na ito. (Bukhari) Ang binabanggit na pangungusap mula sa Sunnah kapag may ililibing Iniulat ni Ibn 'Umar (nawa'y kalugdan siya ng Allah) na kapag nailagay na sa libingan ang isang namatay (sa ibang salaysay, sinabi ni Abu Khalid: nang mailagay na ang patay sa lahd ng kanyang libingan), ang Propeta (saws) ay nagsabi: “Bismillah wa billahi wa 'ala millati Rasool'lillah (sa Ngalan ng Allah at sa pamamagitan ng tulong ng Allah at sa pananampalataya ng Sugo ng Allah).” At sa ibang kaganapan, sinabi niya: “Bismillah wa billahi wa 'ala Sunnati Rasool'lillah (sa Ngalan ng Allah at sa pamamagitan ng tulong ng Allah at ayon sa Sunnah ng Sugo ng Allah).” (Sinabi ni Abu 'Eesa: Ito ay Ghareeb Hasan Hadeeth sa Isnaad na ito/967) Isang bahagi ng Sunnah ang humingi ng pahintulot nang tatlong ulit bago pumasok. Sinabi ni Abu Sa'eed: "Humingi ng pahintulot si Abu Moosa kay 'Umar upang pumasok. Sinabi niya, ‘As-Salaamu alaykum, maaari ba akong pumasok?' Sinabi ni 'Umar, ‘Iyan ang una.’ At pagkaraa’y tumahimik ito sandali. Nagsabing muli si Abu Moosa ng ‘As-Salaamu alaykum, maaari ba akong pumasok?’ Sinabi ni 'Umar, ‘Iyan ang pangalawa’, at siya’y nanahimik sandali. Muling nagsabi si Abu Moosa ng ‘As-Salaamu alaykum, maaari ba akong pumasok?’ At sinabi ni 'Umar, ‘Iyan ang pangatlo.’ At umalis si Abu Moosa. Tinanong ni 'Umar ang tagapagbantay ng pinto, ‘Anong nangyari?’ Ang tagabantay ay nagsabi: ‘Umalis siya.’ Sinabi ni 'Umar, ‘Pabalikin mo siya.’ Nang siya ay bumalik, sinabi ni Umar, ‘Ano itong ginawa mo (bakit ka umalis)?’ Sinabi ni Abu Moosa: 'Ito ang Sunnah.' Sabi ni 'Umar: ‘Gayon ba?, hindi ko alam ito...’ (Sinabi ni Abu 'Eesa: Saheeh Hasan Hadeeth, 2614) [Bilang karagdagang paliwanag : Makaraang humingi ng pahintulot nang tatlong ulit at walang nagpapasok, nararapat na umalis na.] Binigkas ni Ibn 'Abbas nang malakas ang al-Fatihah habang nagdarasal ng Janazah [dasal sa paglilibing] upang ituro sa mga tao ang Sunnah Sinabi ni Talhah ibn 'Abdullah ibn 'Awf: “Sumama ako sa pagsagawa ng Salatul Janaazah at ako’y nasa likuran ni Ibn 'Abbas (nawa'y kalugdan siya ng Allah), at binigkas niya ang Pambungad ng Aklat (binigkas niya nang malakas ang al-Faatihah). Sinabi niya: Ginawa ko iyon upang matutuhan nila na ito ay Sunnah.” (Bukhari/1249) Binatikos ng mga Imaam yaong lumalabag sa Sunnah Iniulat ni at-Tirmidhi sa kanyang Sunan na isa sa mga pantas ng Madhaahib ang nagsabi: “Hindi dapat gawin ang Salaat al-Istisqaa. (pagdarasal para sa ulan), bagkus sila ay mag-du'a (manalangin) at pagkaraa’y magsilisang lahat.” Sinabi ni Abu 'Eesa: ito ay isang paglabag sa Sunnah. Sinabi ni Al-Bukhari (nawa'y kahabagan siya ng Allah) sa kanyang Saheeh sa isang kabanata ukol sa pagsunod sa Sunnah ng Propeta (saws): Sinabi ni Ibn 'Awn: “May tatlong bagay na minamahal ko para sa aking sarili at sa aking mga kapatid: Ito ang Sunnah na dapat nilang matutuhan, at magtanong sila ukol dito; ang Qur'an, na dapat nilang pagsikapang unawain, at magtanong sila ukol dito; at dapat iwanang mag-isa ang mga tao maliban kung may mabuting dahilan. ” (Isinalaysay ni Bukhari, Kitaab al-I'tisaam bi'l-Kitaab wa's Sunnah) Hayaang matakot sa Allah (swt) ang sinumang nag-aakalang hindi mahalaga ang Sunnah, at sinasabing ito ay bagay na panlabas lamang at walang kabuluhan, at hayagan nilang sinasalungat ito. Iniisip nilang nagpapatunay lamang ito ng kanilang pagiging katamtaman (sa pagganap) at sa kanilang pagiging makatwiran, katulad ng sinasabi nila. Sila'y napariwara at talunan, sapagka't ang Sunnah ng ating Propeta (saws) ay siyang pinakamamahal sa atin. Kahit pa ang isang aspeto ng Sunnah ay Mustahab (itinatagubilin) at hindi Waajib (itinakdang gawain), hindi ba't mayroon tayong gantimpala sa pagsunod dito? Lubha na ba tayong maraming Hasanaat (mabubuting gawa) at hindi na tayo kailangan pang maghangad nito? O mga kapatid, nawa'y kaawaan tayo ng Allah (swt). Sikaping nating makasunod sa bawa't napagtibayang Sunnah, upang matuto tayo sa ating Propeta (saws). Huwag nating pabayaan ito sapagka't makatutulong ito sa atin sa Takdang Araw na kung saan ang kayamanan o mga anak ay hindi na pakikinabangan pa. Maging matapat tayo sa Sunnah at ituro natin ito sa ating mga anak. Ibalik ito sa gitna ng mga taong hindi nakababatid nito, upang mapabilang tayo sa mga higit na pinagpala sa pamamagitan ni Propeta Muhammad (saws) sa kanyang pagsusumamo sa Allah (swt) sa Takdang Araw na sana’y iligtas tayo sa nagbabagang Apoy at ipasok tayo sa ipinangakong Paraiso para sa mga matatapat na tagasunod ng Kanyang Propeta. O Allah, tulungan Mo po kaming makasunod sa Sunnah. Papangyarihin Mo po kaming makapamuhay ayon sa Sunnah at mamatay habang pinanghahawakan ito. Nawa'y pagpalain ng Allah (swt) ang ating Propeta Muhammad (saws).
|