Thursday, 09 September 2010
Punong Pahina
Ang Paniniwala sa mga Anghel PDF Ilimbag Ipadala sa Email

Kailangang maniwala na mayroong mga anghel. Ang kanilang bilang ay walang nakakaalam maliban sa Allah (U) lamang. Sila ay naglilingkod at isinasagawa ang anumang ipinag-uutos ng Allah (U), bilang tagapangasiwa, tagapagmasid, tagapagbantay at kumakalinga sa buong santinakpan at sa mga nilikha na nabubuhay dito , at sila ay sumusunod ayon sa itinakda at pag-uutos ng Allah (U). Ang Allah (U) ay nagsabi ;

“At Ako (Allah) ay nanunumpa sa pangunguna ng mga Anghel sa pagsasagawa ng mga ipinag-uutos ng kanilang Rabb (Allah) .” (Qur’an 79 :4)
 
Ang Allah (U) ay nagsabi rin ;

“At sa mga Anghel na namamahagi (ng mga panustos, ulan at ibang mga biyaya) sa pag-uutos ng Allah.”  (Qur’an 51 :4)

Ang mga Anghel ay nilikha mula sa liwanag. Ang Propeta () ay nagsabi ;

“Ang mga Anghel ay nilikha mula sa liwanag, ang mga Jinn ay nilikha mula sa apoy na di-nagliliyab, at si Adan ay nilikha tulad ng inilarawan sa inyo (mula sa Qur’an ; maitim na tuyong alabok).” (Muslim). Ang mga Anghel ay mula sa di-nakikitang mundo. Kahima’t sila ay nilikha mula sa liwanag, hindi sila nakikita. Ang Allah (U) ay nagbigay sa kanila ng kakayahan na mag-ibang anyo upang sila ay makita at masaksihan. Inilahad ng Allah (U) na si Anghel Jibreel,  (Gabriel) ay nagpakita kay Maryam (Mary) sa hugis o larawan ng isang tao. Ang Allah (U) ay nagsabi ;

“Siya ay naglagay ng lambong (upang pangalagaan ang kanyang sarili) sa kanila ; at magkagayon ay ipinadala Namin ang ‘Ruh’ (i.e.; Anghel Gabriel) at siya ay nagpakita bilang isang ganap na tao, at siya (Maria) ay nagsabi; ‘Katotohanan, ako ay nagpapakupkop sa Pinaka-Maawain (Mapagbigay) mula sa iyo, kung ikaw ay matakutin sa Allah (maka-Diyos.)’  At sinabi niya (Anghel Gabriel), ‘ako ay isang Sugo lamang buhat sa iyong Panginoon, na ipagkakaloob ang biyaya ng isang anak na mabuti’.” (Qur’an 19:17-19).

Nakita ng Propeta () si Anghel Gabriel () sa tunay niyang anyo ng pagkalikha ng Allah (U) sa kanya.  Siya ay mayroong 600 pakpak, at natakpan niya ang abot-tanaw na kalawakan dahil sa kanyang laki at kalaparan.
 
Ang mga Anghel ay may mga pakpak; ang iba ay may dalawang pakpak, mayroong tatlo at ang iba naman ay marami.  Ang Allah (U) ay nagsabi;

“Lahat ng pagpupuri ay para sa Allah lamang, ang lumikha ng langit at lupa, na Siyang lumikha sa mga tagapagbalita (Sugo) na mga Anghel na may pakpak – dalawa, tatlo o apat. Pinaparami Niya ang mga nilikha sa Kanyang naisin. Katotohanan  na Siya ay may kapangyarihan  sa lahat ng bagay.” (Qur’an 35:1)

Hindi ipinaalam sa atin ng Allah (U) ang mga ibang katangian ng mga Anghel. Lagi na lang sinasamba at pinupuri ang Allah (U). Ang Allah (U) ay nagsabi ;

“Sila (ang mga anghel) ay lumuluwalhati ng Kanyang mga Papuri sa gabi at araw, at sila ay hindi lumulubay.” (Qur’an 21 :20)

Nilikha sila (mga anghel) ng Allah (U) upang Siya ay sambahin at tumalima sa Kanya. Ang Allah (U) ay nagsabi ;

“Ang Mesiyas ay hindi magwawalang bahala na maging tagapaglingkod  ng Allah, gayundin ang mga anghel na pinakamalapit sa Kanya…” (Qur’an 4 :172)

Ang mga anghel ay tumatayo bilang sugo sa gitna ng Allah (U) at ng Kanyang mga Sugo mula sa mga tao. Ang Allah (U) ay nagsabi ;

“Na ipinanaog ng mapagkakatiwalaang Espiritu (si Gabriel Arkanghel) ; sa iyong puso (O Muhammad) upang ikaw ay maging (isa) sa mga tagapagbabala, sa (pamamagitan ng) malinaw na wikang Arabik”. (Qur’an 26 :193-195)

Nilikha ng Allah (U) ang mga Anghel upang isagawa ang mga iba’t-ibang gawaing ipinag-uutos ng Allah (U) sa kanila ;

“Pinangangambahan nila ang kanilang Rabb na nasa itaas, at sila ay tumatalima sa anumang sa kanila ay ipag-utos”. (Qur’an 16 :50)

Ang mga anghel ay hindi mga anak ng Allah (U), datapwa’t sila ay dapat igalang at mahalin. Ang Allah (U) ay nagsabi;

“At sila ay nagsipagturing; Ang Pinakamapagpala (Allah) ay nagkaroon ng anak (mula sa mga anghel). Luwalhatiin Siya!  Sila (na tinatawag na mga anak ng Allah tulad ng mga anghel, si Hesus na anak ni Maria, si Ezra, at iba pa) ay mga mararangal na alipin lamang.  Sila ay hindi nangungusap hanggang Siya (Allah) ay hindi pa nakakapangusap, at sila ay gumagawa ayon sa Kanyang ipinag-uutos.” (Qur’an 21:26-27)

Ang mga anghel ay hindi mga katambal o kasamahan o karibal ng Allah (U). Ang Allah (U) ay nagsabi ;

Gayun din naman, siya (na pinagkalooban ng Aklat) at hindi mag-uutos na tangkilikin ninyo ang mga anghel at mga propeta bilang Rabb (Diyos). Ipag-uutos ba niya sa inyo na mawalan kayo ng pananalig matapos na kayo ay tumalima sa pag-uutos ng Allah ? (Qur’an 3 :80)

Ipinaalam ng Allah (U) ang mga pangalan at gawain ng mga ibang anghel, tulad ni Jibreel,  (Gabriel) na pinagkalooban ng tungkulin na magdala ng kapahayagan. Ang Allah (U) ay nagsabi ;

“Na ipinanaog ng mapagkakatiwalaang Espiritu (si Gabriel Arkanghel) ; sa iyong puso (O Muhammad) upang ikaw ay maging (isa) sa mga tagapagbabala…” (Qur’an 26 :193-194)

Si Mika’eel () ay napagkalooban ng tungkulin upang mamamahala sa kapakanan ng ulan at taniman. Ang Allah  (U) ay nagsabi ;

“Sinuman ang kaaway ng Allah at ng Kanyang mga Anghel at mga Sugo at si Jibreel (Gabriel), at si Mika’eel – magkagayon, ang Allah ay kaaway ng mga di-mananampalataya.” (Qur’an  2 :98)

Ang Anghel ng Kamatayan () ay siyang naatasan na kumuha ng kaluluwa ng isang tao sa oras ng kanyang kamatayan. Ang Allah (U) ay nagsabi ;

“Ipagbadya : ‘Ang  anghel ng kamatayan na nakatalaga sa inyo ay (wlang pagsalang) magtatangan ng inyon kaluluwa ; at kayo ay muling ibabalik sa inyong Rabb”. (Qur’an 32 :11)

Si Israfil (); siya ang nabigyan ng tungkulin sa pag-ihip ng trumpeta sa Araw ng Pagkabuhay Muli. Ang Allah (U) ay nagsabi ;

“At kung ang tambuli ay mahipan, walang ugnayang kamag-anakan sa pagitan nila sa Araw na ito, gayundin, sila ay magtatanungan sa isa’t-isa.” (Qur’an 23 :101)

Si Malik () ay ang tagapamahala ng Impiyerno. Ang Allah (U) ay nagsabi ;

“Sila ay magsipagtaghoy ; ‘O Malik ! Hayaan ang iyong Panginoon ay magbigay-wakas sa amin ! Siay (Malik) ay magsasabi ; ‘Hindi’, katotohanang kayo ay mananatili rito magpakailanman.” (Qur’an 43 :77)

 Ang mga Zaabaaniyah ay ang mga anghel na binigyan ng tungkulin sa pagpaparusa at nagpapahirap sa mga napunta sa Impiyerno. Ang Allah (U) ay nagsabi ;

“At hayaan siyang tumawag (ng tulong) sa lipon (ng kanyang mga kapanalig, tiyak na tatawagin Namin ang mga anghel na tagapagbantay ng Impiyerno!” (Qur’an 96 :17-18)

Bawat tao ay mayroong dalawang anghel na tagapagbantay sa kanya ; ang isa ay tagapagtala ng mga mabubuting gawa at ang isa naman ay tagapagtala ng mga masasamang gawain. Ang Allah (U) ay nagsabi ;

“Pagmasdan ang dalawang (nagbabantay na anghel) na nakatalaga upang malaman (ang kanyang mga gawa), mabatid (at maitala ito). Isa ang nakaupo sa kanan at isa sa kaliwa.” (Qur’an 50 :17)

Si Ridwan (); ang naitalagang mamahala sa Paraiso at marami pang mga anghel na tagapangalaga sa mga tao. At marami pang iba, at ang bawa’t isa ay binigyan ng partikular na tungkulin. Ang iba ay binanggit sa Qur’an at ang iba ay hindi binanggit, subali’t tayo ay dapat maniwala sa kanilang lahat.

 
spacer