Tuesday, 06 January 2009
Punong Pahina
Ang Kahulugan ng 'La Ilaaha Illa-Allah' PDF Ilimbag Ipadala sa Email

Ito ang diwa ng Tawheed . Sa pamamagitan ng konseptong ito, nilikha ng Allah (U) ang lahat (sangkatauhan, jinn, anghel at maging ang di-nakikita o nakatagong bagay) at sa konseptong ito, nilikha Niya ang Jannah (Paraiso) at ang Jahannam (Impiyerno). Ang Allah (U) ay nagsabi;

"At hindi Ko nilikha ang mga Jinn at mga Tao maliban na sila ay nararapat na sumamba sa Akin (tanging sa Akin lamang)." (Qur'an 51:56)

Ito ang paniniwala na ipinag-anyaya ng mga Propeta at Sugo sa kanilang mga mamamayan, nagmula pa noong panahon ni Adan hanggang sa Huling Sugong si Muhammad (). Ang Dakilang Allah (U) ay nagsabi;

"At hindi Kami nagpadala ng sinumang Sugo bago pa man sa iyo (O Muhammad) maliban na Aming ipinahayag sa kanya (na nagsasabing): "La ilaha ilallah (walang diyos na dapat sambahin maliban sa Allah), kaya sambahin Ako (tanging Ako at wala ng iba pa)." (Qur’an 21:25)

Ang unang pagsaksi; ‘Na walang karapat-dapat sambahin maliban sa Allah (U), ay napapaloob dito ang sumusunod na kahulugan;

• Ang Allah (U) ang Siyang Tagapaglikha sa lahat ng bagay. Ang Allah (U) ay nagsabi;

"Siya ang Allah, ang inyong Rabb! La ilaha illah Huwa (walang diyos na dapat sambahin maliban sa Kanya), ang Tagapaglikha ng lahat ng bagay. Kaya, sambahin Siya (tanging Siya lamang), at Siya ang Wakil (tagapangalaga) sa lahat ng bagay." (Qur'an 6:102)

• Ang Allah (U) ang nagmamay-ari sa lahat ng Kanyang nilikha. at Siya (U) ang tagapamahala sa lahat ng gawain at pangyayari. . Ang Allah (U) ay nagsabi;

"…Katotohanan, sa Kanya ang (Ganap na Kapangyarihan ng gawang) paglikha at pag-uutos. Mapagpala ang Allah, ang Rabb (Panginoon) ng lahat ng nilikha." (Qur’an 7:54)

• Tanging ang Allah (U) lamang ang karapat-dapat sambahin  nang buong puso at kaluluwa. Siya (U) ay nagsabi;

"Walang alinlangan! Katotohanan! na ang Allah lamang ang nag-aangkin ng anupamang nasa mga kalangitan at anupamang nasa kalupaan. At yaong sumasamba at dumadalangin sa iba pa bukod sa Allah, (katotohanan na) sila ay hindi sumusunod sa mga itinuturing nilang katambal (ng Allah), bagkus kanilang sinusunod lamang ang mga haka-haka at sila ay naglulubid lamang ng kasinungalingan." (Qur'an 10:66)

• Ang Allah (U) ang nagmamay-ari ng mga Magagandang Pangalan at ang Kanyang taglay na mga Katangian ay Ganap at Lubos. Siya ay malayo sa mga kakulangan, kapintasan at kamalian . Ang Allah (U) ay nagsabi;

• "At (lahat ng) naggagandahang mga Pangalan  ay nauukol sa Allah (lamang), kaya manalangin sa pamamagitan ng mga iyon at lisanin ang pangkat na nagpapasinungaling o nagtatakwil sa Kanyang mga Pangalan. Sila ay pagbabayarin sa anumang lagi nilang ginagawa." (Qur'an 7:180)

 
spacer