| Ang Karapatan ng mga Panauhin |
|
|
|
|
Ang panauhin ay nararapat na bigyan ng kasiyahan. Ito ay ayon sa Hadith ng Propeta () na ang ibig sabihin ay: “Ang sinumang naniniwala sa Allah at sa Araw ng Paghuhukom ay kailangan pahalagahan ang kanyang panauhin.” Siya ay tinanong: “ O Sugo ng Allah ()! Ano ang karapatang ng mga panauhin?” At siya ay sumagot: “Isang araw at isang gabi (ng kasiyahan) at tatlong araw na pag-aasikaso dito. At ito ay maituturing na isang kawanggawa kung lumabis pa dito.” (Bukhari at Muslim) Datapuwa’t, dapat ding isaalang-alang ng isang panauhin ang kalagayan ng kanyang tinutuluyan, at hindi siya dapat umasa at humiling ng mga bagay na hindi nito kayang ibigay sa kanya. Ang sabi ng Propeta () na ang kahulugan ay nagsasaad ng ganito: “Makatarungan ba sa isang Muslim na makituloy ng matagal sa kanyang kapwa Muslim (bilang isang panauhin) hangga’t sa ito ay magtulak sa kanya na gumawa ng kasalanan?” Siya ay tinanong kung paano ito magtutulak sa kanya na gumawa ng kasalanan? At ang sabi niya: “Sa pamamagitan ng matagal niyang panunuluyan dito kahit na ito ay wala ng maibigay pa para sa kanyang ikasisiya.” (Muslim) Ayon sa sinulat ni Imam Ghazali, “Ihyaa Ulum-ud-Din” (hal. Revival of Religious Sciences), tungkol kay Propeta Muhammad () na isang huwaran at dapat tularan ng lahat ng Muslim: “Pinahalagahan ng Propeta ang kanyang mga bisita. Kanyang inilalatag ang kanyang damit para sa isang (kahit hindi) kamag-anak na panauhin upang mayroon silang maupuan. Inaalay din niya ang kanyang sariling upuan at ito ay kanyang ipinagpipilitan hanggang ito ay tanggapin mula sa kanya. Walang sinumang naging bisita niya ang hindi nagdalawang isip na tawagin siya na pinaka-mapagbigay sa lahat ng tao. Binibigyan niya ng sapat at pantay na pansin ang lahat ng kanyang kasama at bawa’t isa ay kanyang pinakikinggan, kinakausap, at binibigyang halaga. Ang kanyang pagtitipon ay maituturing na may pagpapakumbaba at pagkamatapat. Tinatawag niya ang kanyang mga kasama sa kanilang paboritong pangalan at palayaw upang pahalagahan sila. Siya rin ay hindi magagalitin at madali siyang masiyahan sa anumang mayroon siya.” |
Punong Pahina

