Wednesday, 19 November 2008
Punong Pahina arrow Aralin arrow Pag-iingat sa Mata sa Paggamit ng Computer
Pag-iingat sa Mata sa Paggamit ng Computer PDF Ilimbag Ipadala sa Email

 Isinalin ni Ibrahim Pineda

Sadyang kakaunti na lamang ngayon ang hindi gumagamit ng computer sa anumang propesyon. At mabilis na rin ang pagdami sa mga pamilya ang nagtuturing sa computer bilang bahagi ng kanilang kinakailangang gamit sa bahay.

Subali’t ang maraming oras sa harap ng computer ay may malaking epekto sa mata, ito ang babala ng mga experto.

“Paparami ang bilang ng tao ang gumagamit ng computer at kapuna-puna rin ang malaking bilang ng oras ang kanilang ginagamit sa bawa’t araw,” sabi ni Dr. Kerry Beebe, isang optometrist sa Brainerd, Minn., at tagapagsalita ng American Optometric Association (AOA). “Ang ganitong natatanging pangangailangang biswal ay tiyak na mayroong epekto sa sistemang biswal ng tao.”

Ayon sa pag-aaral, ang kapaguran ng mata (eye-strain) at iba pang problema sa paningin ay maaaring mangyari sa siyam na katao sa bawa’t sampung gumagamit ng video display terminals sa kanilang trabaho, ayon sa AOA.

Ang kadalasang sintomas ay kapaguran ng mata, panlalabo ng paningin, pagdoble ng paningin, malabis na pagluha, panunuyo ng mata at madalas na pagkurap o pagkabanlag. Ang suliraning biswal ay maaari ring magbunga ng ilang pisikal na suliranin katulad ng pananakit ng ulo, leeg o balikat.

“Ang ilan ay makararanas lahat ng naturang problema at ang iba’y iilan sa mga ito,” sabi ni Beebe. “Subali’t sinumang makaranas ng mga ganitong sintomas, kaagad naming itinatanong sa kanya, “Ano ang iyong ginagawa sa halos buong maghapon?’ Siya ay kadalasang nasa harap ng computer.”

Ang radiation na lumalabas sa isang computer screen ay walang kinalaman sa nasabing mga sintomas, bagama’t iyon ang kadalasang maling paniniwala, sabi ni Dr. Jeffrey Weaver, director ng AOA’s clinical care group.

“Madalas na naitatanong ng tao ang tungkol sa ultraviolet radiation, subali’t ang UV radiation mula sa isang computer screen ay kakaunti lamang,” sabi ni Weaver. “Kung ang epekto niyon ay hindi rin lang nakapagbabago sa kulay (tan) ng balat ng tao, magkagayo’y hindi ito dapat pangambahan.”

Subali’t kung nagkakaroon ka ng problema sa mata habang gumagamit ng computer o kaya’y pagkatapos gumamit, nararapat lamang ipasuri ang mga mata. sabi ni Beebe.

“Malimit na may nakararanas ng problema sa pagpako ng mata sa tinitingnan o refractive error na kung saan ang simpleng pagsusuot ng salamin sa mata ay nakapagpapaalis ng ganoong mga sintomas.” Sabi niya. Dapat ding magkaroon ng madalas na pahinga sa bawa’t kalahating oras, sabi nina Beebe at Weaver. Sa loob ng isa o dalawang sandaling pagpapahinga, nararapat na ituon ang mga mata sa isang malayong bagay upang guminhawang muli ang inyong paningin.

“Makatutulong nang malaki ang pagtingin sa bawa’t panig ng kuwarto o sa labas ng bintana upang makapagpahinga ang paningin,” sabi ni Beebe.

Ang liwanag ng monitor screen ay dapat na ayusin ayon sa ikagiginhawa ng mata, ayon sa AOA. Iyon ay nangangahulugang hindi masyadong nakasisilaw o masyadong madilim.

Dapat ding ayusin ang kulay (contrast) ng likuran (background) ng monitor screen upang madaling basahin ang mga letra.

Bawasan din ang anumang nakasisilaw na liwanag na tumatambad sa monitor mula sa labas o mula sa ilaw sa loob ng kuwarto sa pamamagitan ng paggamit ng kurtina sa bintana o dimmer switches sa mga ilaw. Dapat ding alisin ang anumang pinagmumulan ng matatalim na liwanag na maaaring daanan ng paningin (peripheral vision).

“Marami sa mga tanggapan ay may sobrang liwanag para paggamitan ng computer,” sabi ni Weaver. Upang lalong mabawasan ang silaw, dapat na ilagay ang monitor na kahanay (hindi katapat) ng mga bintana o iba pang pinagmumulan ng ibang liwanag. Maaari ring bumili ng isang anti-glare screen para sa monitor, o magsuot ng tinted na salamin, ayon sa AOA.

Ang panunuyo ng mata ay isa ring madalas na idinadaing. Ito ay dulot ng dalawang kadahilanan: Ang mga upisina ay tunay na tuyo ang kapaligiran, at kapag ang tao ay may binabasa sa computer screen, ang kanyang pagkurap o pagpikit ay sadyang madalang. Upang malabanan ang panunuyo ng mga mata, nararapat na palaging ipahinga ang mga ito at maglagay ng mga artipisyal na luha – lubricant eye drops – na laging nakahanda sa mesa, sabi ni Weaver.

Maiiwasan din ang pagod sa mata sa pamamagitan ng paglalagay sa monitor sa tamang layo, taas at anggulo, ayon sa AOA. Ang monitor ay dapat na nakalagay ng 16 pulgada (inches) hanggang 30 mula sa iyong mga mata, depende kung gaano kalaki ang screen at gaano kahusay ang iyong paningin. Karamihan sa tao ay maginhawang nakatitingin sa screen ng 20 pulgada hanggang 26 pulgada ang layo. Ang itaas na bahagi ng monitor ay dapat na mababang bahagya kaysa sa antas (level) ng mata, ayon sa AOA. Ang gitnang bahagi ng monitor ay dapat na 10 degrees hanggang 20 degrees na mababa kaysa sa ating mga mata, o 4 pulgada hanggang 9 pulgada sa ibaba ng ating mga mata na may layong 24 pulgada.

At huwag kalimutang ayusing muli ang mga bagay-bagay kapag ang inyong anak ang siyang gagamit ng computer. Sa maraming sitwasyon, ang computer ay masyadong mataas, ang upuan ay sobrang mababa at ang mesa ay masyadong mataas. Ang inyong upisina ay kailangang may adjustable na upuan na maaaring itaas upang maging maginhawa ang inyong anak.

Sabi ni Weaver na ang teknolohiya ay umuunlad upang maiwasan ang kapaguran ng mata at mga suliraning biswal. Ang mga monitor ay naisaayos na ang kanilang contrast at resolution, at ang LCD screen, laluna, ay nagiging magaan na para sa mga mata. Ang mga monitor ay mayroon nang mga glare-reduction filters upang maiwasan ang repleksiyon na nagiging sanhi ng pagkapagod ng mata, sabi niya.

“Tila nagiging maginhawa na ang mga computer sa mata, bagama’t wala pang tunay na katibayan na ganoon na nga ang mga ito,” sabi ni Weaver

Ni Dennis Thompson

Sources: Jeffrey Weaver, O.D., director of the American Optometric Association’s clinical care group; Kerry Beebe, O.D., optometrist in Brainerd, Minn., and spokesman for the American Optometric Association; the American Optometric Association, Alexandria, Va.

 
spacer