Wednesday, 10 March 2010
Punong Pahina arrow Aralin arrow Doble-Karang Pamantayan
Doble-Karang Pamantayan PDF Ilimbag Ipadala sa Email
 "Ipinag-uutos ba ninyo sa tao ang kabanalan at nakalilimutan naman isagawa ito sa inyong mga sarili, gayong nagbabasa kayo ng Aklat? Hindi ba ninyo nauunawaan?” (Qur’an, 2:44)

Maaaring patungkol ito noon sa mga Hudyo ng Madinah sa ilang partikular na okasyon, subali’t ito ay tumutukoy sa lahat ng mga mananalampalataya at mga relihiyosong namumumo sa lahat ng mga pangkat at henerasyon.

Kapag ang pagbibigay katuruan hinggil sa relihiyon ay naging isang “trabaho”, nawawala ang kataimtiman nito sa mga nagsasagawa nito. Ang kanilang ginagawa ay kalimitan nang hindi tumutugma sa kanilang sinasabi. Ito ang dahilan upang kanilang baligtarin ang mga katotohanan at ilagay sa alanganin ang mga pananaw at prinsipyo upang mabigyan lamang ng daan ang kanilang pansariling interes at hangarin. Ang kanilang mga pasiya, pahayag at pananaw, o mga fatwa ay maaaring katanggap-tanggap subali’t sila ay malayo mula sa diwa at pagsunod nang buong kaganapan sa kabuuan ng relihiyon.

Ang mga doble-karang pamantayan ng mga taong nag-aangkin na kumakatawan sa isang relihiyon o idelohiya at hindi lamang nakapipinsala sa kanila nang tuwiran, bagkus ginagawa pa nitong mahina o marupok ang mga pananaw ng mga relihiyong kanilang itinataguyod. Nililito nila ang mga tao at pinahihina ang kanilang pagtitiwala at pananalig sa relihiyon na siyang nagiging dahilan upang mawala ang interes nila dito. Kapag ang tao ay nawalan ng tiwala sa mga nagpapalaganap, ang mga nagpapalaganap ay nagiging higit na dungo o kimi at palalo.

Kapag ang mga salita ay binigkas nang walang katapatan at matibay na pananalig, ang mga salita ay nawawalan ng sigla. Ang paniniwala ng isang tao ay walang saysay hanggat ang kanyang mga gawa at ikinikilos ay hindi nagiging isang buhay na pagpapakita sa mga paniniwalang yaon. Kapag ang pag-uugali ng isang tao ay nagsasalarawan ng kanyang sinasabi, maging ito man ay simple o karaniwang mga salita lamang, ang mga tao ay magtitiwala at taimtim na tatangkilikin ang kanyang mga sinasabi. Ang kanyang mga salita ay huhugot ng lakas at bisa mula sa kadalisayan at katapatan kung paano ito sinabi at hindi sa husay o galing ng kanyang talumpati. Ang kanilang pangungusap at salita ay nag-aangkin ng sariling lakas at kakayahan.

 
spacer