| Ramadhaan – ang Buwan ng Pag-aayuno |
|
|
|
Ilang araw na lamang at sasapit na ang buwan ng Ramadhaan. Ang isa sa mga itinakdang tungkulin sa mga Muslim ay ginagampanan sa ika-siyam na buwan ng kalendaryong Hegira – ang pag-aayuno sa buong buwan ng Ramadhaan.
Ang tungkuling ito ay batay sa isang pag-uutos ng ating Dakilang Lumikha – Allaah, na matutunghayan sa Banal na Qur’an, 2:183: O kayong mananampalataya! Ang Siyaam (pag-aayuno) ay ipinag-uutos sa inyo katulad ng ipinag-utos sa mga nauna sa inyo upang kayo’y magkaroon ng Taqwa (pagsunod sa mga ipinag-uutos ng Allaah at pag-iwas sa Kanyang mga ipinagbabawal ). Ang literal na kahulugan ng Siyaam ay “pag-iwas”. Sa talatang nabanggit, nangangahulugan ito ng pag-iwas sa pagkain, inumin at pakikipagtalik sa asawa simula bago magbukang-liwayway hanggang sa takip-silim. Ang mga tagasunod ng Islam sa buong mundo ay tumutugon sa tungkuling ito; sinumang Muslim – lalake o babae, nasa tamang gulang at tamang pag-iisip. Magkagayunman, may mga katayuan na maaaring ipagpaliban ang pag-aayuno. Katulad halimbawa ng mga may karamdaman, ang mga nagdadalantao o nagpapasuso ng sanggol, o yaong nasa buwanang regla o yaong kapapanganak pa lamang, ang mga manlalakbay, at ang mga manggagawang may mabigat na trabaho. Maaari nilang ipagpaliban ang pag-aayuno subali’t dapat nilang ipag-ayuno ang bilang ng araw na hindi nakapag-ayuno pagkatapos ng buwan ng Ramadhaan. Yaong may malubhang sakit na hindi na inaasahan pang gumaling o kaya’y yaong mga matatanda na sadyang mahirap sa kanila ang pag-aayuno, dapat silang magpakain ng isang dukha sa bawa’t araw na hindi sila makapag-ayuno. Ang diwa ng pag-aayuno ay hindi lamang pagkait sa sarili ng pagkain, inumin o pakikipagtalik sa asawa, bagkus kailangan ding umiwas sa masasamang salita at napapakinggan, sa malalaswang nakikita, at di-kanais-nais na gawain. Ang huling Propeta ng Allaah na si Propeta Muhammad ay nagsabi : Sinumang hindi umiwas sa pagsisinungaling, pandaraya at masamang gawain habang nag-aayuno, hindi tatanggapin ng Allaah ang pag-iwas niya sa pagkain at inumin. (Bukhari at Muslim) May dalawang uri ng pag-aayuno: Ang Fareedah o Itinakdang Tungkulin na isinasagawa tuwing buwan ng Ramadhaan. Ang pangalawa ay ang Sunnah o mga boluntaryong pag-aayuno na isinasagawa sa mga panahong labas sa buwan ng Ramadhaan katulad halimbawa tuwing araw ng Lunes at Huwebes, o sa ika-9 ng Dhul Hijjah, o anim na araw sa buwan ng Shawwal, atbp. Ang pag-aayuno sa buwan ng Ramadhaan ay may mga kondisyon. Una, nararapat na may intensiyon na bago sumapit ang bukang-liwayway. Pangalawa, ang pag-iwas sa pagkain, inumin o anumang pamalit dito, at pakikipagtalik sa asawa. Ang pagtanaw sa bagong buwan ng Ramadhaan ay nagsisilbing hudyat sa pagsisimula ng pag-aayuno. Kadalasan, ito ay matatanaw sa ika-29 ng buwan ng Sha’ban (ang buwang sinusundan ng buwan ng Ramadhaan). Kapag ito ay nakita na, ang pag-aayuno sa susunod na araw ay magsisimula na. Kung sakali mang maulap at hindi makita ang buwan sa ika-29 ng Sha’ban, dapat tapusin ang 30 araw ng Sha’ban sapagka’t ang araw na susunod dito ay ang unang araw ng Ramadhaan. Ang pagtanaw naman sa bagong buwan ng Shawwal (ang buwang sumusunod sa buwan ng Ramadhaan) ay nagsisilbing hudyat ng paghinto ng pag-aayuno. Kung maulap at hindi makita ang buwan sa ika-29 ng Ramadhaan, dapat tapusin ang 30 araw ng Ramadhaan sapagka’t ang araw na susunod dito ay ang unang araw ng Shawwal. Isa sa mga dahilan sa masugid na pagsunod ng mga Muslim sa pag-uutos na ito ng Allaah ay ang isinalaysay ni Abu Hurairah na si Propeta Muhammad ay nagsabi: “Ang gantimpala ng bawa’t mabuting gawa ay umaabot sa 10 hanggang 700 (ayon sa layunin at katapatan); subali’t tungkol sa gantimpala ng pag-aayuno, ang Allaah ay nagpahayag, Ang pag-aayuno ay para sa Akin at Ako mismo ang maggagawad ng gantimpala. Ang taong nag-aayuno ay tinatalikuran ang kanyang pagnanasa, pagkain at pag-inom dahil sa Akin. Siya’y mabibigyan ng dalawang kasiyahan. Ang una’y sa takdang pagtigil ng kanyang pag-aayuno at ang pangalawa’y sa sandaling makaharap niya ang kanyang Rabb (Allaah).” (Bukhari at Muslim) Ang ilang mga katangian na maaaring makamtan sa pag-aayuno ay ang pagiging matapat sa Allaah. Dito masusubok ang katapatan sa pagsunod sa kautusan ng Allaah sa pamamagitan ng pagtalikod sa mga likas na pangangailangan at hangarin upang sumunod lamang sa Kanyang ipinag-uutos. Nagtuturo ito sa tao na maging hari ng mismong sarili. Siya ang may kontrol sa kanyang mga naisin at hindi ang kanyang mga pangangailangan ang maghari sa kanya. Kung kaya niyang iwasan ang mga halal (pinahihintulutan) na bagay kapag nag-aayuno, higit na magaan sa kanya ang pag-iwas sa mga haram (bawal) na bagay. Ang pagkakaroon ng pasasalamat sa Allaah. Mararamdaman ng isang nag-aayuno mula sa kanyang pag-iwas sa mga likas na niyang pangangailangan ang kahalagahan ng mga ito sa kanya. Dito niya mapapagtanto na kahit isang patak lamang ng tubig ay sadyang napakahalaga upang pasalamatan niya ang Allaah. Ang pagkakaroon ng damdaming tumulong sa kapwa. Nararamdaman ng isang nag-aayuno ang gutom at uhaw na nadarama ng mga naghihikahos na kadalasa’y sumasala sa pagkain. Kaya naman, magkakaroon siya ng pagnanais na magbigay-tulong sa mga mahihirap. Bilang pangwakas, si Propeta Muhammad ay nagsabi: “May 8 tarangkahan ang Paraiso. Ang tawag sa isa ay Rayyan. Ang mga matatapat na nag-aayuno lamang ang makapapasok sa tarangkahang ito.” (Bukhari at Muslim) |
Ilang araw na lamang at sasapit na ang buwan ng Ramadhaan. Ang isa sa mga itinakdang tungkulin sa mga Muslim ay ginagampanan sa ika-siyam na buwan ng kalendaryong Hegira – ang pag-aayuno sa buong buwan ng Ramadhaan.
Ang tungkuling ito ay batay sa isang pag-uutos ng ating Dakilang Lumikha – Allaah, na matutunghayan sa Banal na Qur’an, 2:183: O kayong mananampalataya! Ang Siyaam (pag-aayuno) ay ipinag-uutos sa inyo katulad ng ipinag-utos sa mga nauna sa inyo upang kayo’y magkaroon ng Taqwa (pagsunod sa mga ipinag-uutos ng Allaah at pag-iwas sa Kanyang mga ipinagbabawal ).