Tuesday, 06 January 2009
Punong Pahina arrow Aralin arrow Ang Konsepto ng Propeta sa Islam
Ang Konsepto ng Propeta sa Islam PDF Ilimbag Ipadala sa Email
Ang mga Propeta ay kinakailangan upang maiparating ang mga kautusan at patnubay ng Diyos sa tao. Wala tayong paraan upang mapag-alaman kung bakit tayo ay nilikha? Ano ang ating kasasapitan pagkatapos ng kamatayan? Mayroon pa kayang buhay sa pagkatapos ng kamatayan? Tayo ba ay nararapat na magsulit sa ating mga gawa? Sa madaling salita, may gantimpala ba o kaparusahan sa ating mga ginawa sa buhay na ito?
Ang Kahalagahan Ng Propeta
 
Ang pangangailangan ng Propeta ay di nalilingid sa mga makalangit na relihiyong inihayag tulad ng Hudaismo at Kristiyanismo.
Gayunman, sa Islam, ito ay may  natatanging antas at pagatatampok.
 
Ayon sa Islam, ang Allah ay lumikha ng tao para sa banal na layunin – ang manampalataya sa Kanya at mamuhay nang  matuwid ng ayon sa Kanyang mga aral at patnubay. Paano mapag-alaman ng tao ang kanyang gagampanan at ang dahilan ng kanyang pagkalikha malibang siya ay tumanggap ng maliwanag at praktikal na panuntunan kung ano ang ninanais ng Allah na kanyang gawin. Dito masusukat ang kahalagahan ng pagdating ng mga Propeta. Kaya ang Allah ay pumili sa bawa’t bansa ng isang Propeta o higit pa upang maiparating ang Kanyang Mensahe sa mga ito.

Ating maitatanong: Paano ba pinipili ang mga Propeta at sino ang karapat-dapat sa ganitong karangalan? Ang pagkakaroon ng Propeta ay isang biyaya ng Allah at paglingap na Kanyang ibinibigay sa maibigan Niya. Gayunman, sa pagmamasid sa mga iba't ibang Sugo sa lahat ng panahon ng kasaysayan, tatlong katangian ng isang Propeta ang mapagkikilala.

1. Siya ang pinakatangi sa kanyang pamayanan sa moralidad at kaisipan. Ito ay kinakailangan, sapagka’t ang pamumuhay ng Propeta ang siyang nagsisilbing huwaran para sa kanyang mga tagasunod. Ang kanyang personalidad ay nararapat na makaakit ng tao upang tanggapin nila ang kanyang mensahe kaysa sa lumayo sila dahil sa kanyang lisyang pag-uugali.
Sa sandaling matanggap niya ang mensahe, siya ay malayo sa pagkakamali.  Magkagayo’ y hindi siya makagagawa ng kasalanan. Maaaring makagawa siya ng maliliit na pagkakamali nguni’t kalimitan ay naitutumpak ng rebelasyon.

2. Siya ay pinapatnubayan ng mga himala upang patunayan na siya ay di manlilinlang. Ang mga himalang yaon ay ipinagkaloob sa kanya sa pamamagitan at pahintulot ng Diyos na sa kalimitan ay naaakma kung saan ang kanyang pamayanan ay matatagumpay at kinikilala bilang mga matataas. Mailalarawan natin ito sa  pamamagitan ng pagsipi sa mga dakilang himala ng tatlong Propeta ng mga pangunahing relihiyong sa mundo: Ang Hudaismo, Kristiyanismo at Islam. Ang mga kapanahunan ni Moses ay magagaling sa salamangka o madyik. Kaya ang pinakapangunahin niyang himala ay nang talunin niya ang pinakamagaling na salamangkero ng Ehipto sa kanyang panahon. Ang mga kapanahunan ni Hesus ay kinikilala bilang magagaling na manggagamot.
Kaya ang kanyang himala ay ang bumuhay ng patay at magpagaling sa di napapagaling ng mga sakit. Ang mga Arabo, sa kapanahunan ni Propeta Muhammad ay kilala sa kanilang maiindayog kahanga-hangang panitikan ng pagtula. Kaya nga't ang pinakapangunahing himala ni Propeta Muhammad ay ang Qur’an, na ang buong pulutong ng mga manunula at mananalumpating Arabo ay di makagawa ng makakahalintulad niyon bagama't ang Qur’an ay paulit-ulit na nag-aanyaya ng paghamon.
Ang mga himalang ginawa ng mga Propetang nauna kay Propeta Muhammad ay nangyari  ay natatakdaan ng panahon at lugar.  Ang mga ito ay ipinakita sa mga piling tao at piling panahon. Ngunit hindi sa himala ni Propeta Muhammad – ang Qur’an, ito ay isang pansangtinakpan at di magwawakas na himala. Ang mga nakaraang lahi ay nakasaksi nito at ang darating na lahi ay makasasaksi ng kanyang mahimalang kalinisan sa punto ng kanyang istilo, nilalaman at ispiritwal na pamamatnubay. Ito magpahanggang ngayon ay masusubukan at walang sala na magpapatunay sa makadiyos na pinagbuhatan ng Qur’ an.

3. Ang lahat ng Propeta ay maliwanag na nagpapahayag na kung anuman ang kanyang tinanggap ay di mula sa kanyang sarili bagkus ay mula sa Diyos para sa kapakanan ng tao.  Bawa’t isa sa kanila nagpapatotoo rin kung ano ang ipinahahayag pagkaraan niya. Ang Propeta ay gumagawa ng ganito upang ipakita na siya ay nagpapaabot lamang ng mensahe na ipinagkatiwala sa kanya ng Tanging Nag-iisang Diyos ng sanlibutan sa lahat ng panahon. Kaya nga't ang pangunahing mensahe ay iisa at magkatulad sa layunin. Samakatuwid, ito ay hindi dapat na lumihis sa kung ano ang ipinahayag bago pa siya o kung ano ang darating pagkaraan niya.

Ang mga Propeta ay kinakailangan upang maiparating ang mga kautusan at patnubay ng Diyos sa tao. Wala tayong paraan upang mapag-alaman kung bakit tayo ay nilikha? Ano ang ating kasasapitan pagkatapos ng kamatayan? Mayroon pa kayang buhay sa pagkatapos ng kamatayan? Tayo ba ay nararapat na magsulit sa ating mga gawa? Sa madaling salita, may gantimpala ba o kaparusahan sa ating mga ginawa sa buhay na ito?  Ito at ang iba pang maraming katanungan tungkol sa Diyos, sa mga Anghel, sa Paraiso, sa Impiyerno, atbp. ay di matutugunan kung wala ang tuwirang rebelasyon mula sa Lumikha at Nakakaalam ng mga nalilingid. Ang kaukulang kasagutan ay kinakailangan na mapapanaligan at nararapat na iparating sa atin ng mga tao na ating pinagkakatiwalaan at iginagalang. Ito ay ang dahilan kung bakit ang mga Sugo ay mga pinili sa lipunan sa antas ng moral na pag-uugali at kakayahang pangkaisipan.
Dahil dito, ang mahahalay na istorya sa Bibiliya tungkol sa ilan sa mga dakilang Propeta ay hindi tinatanggap ng Muslim. Halimbawa, nang si Propeta Lot ay iulat na nakikipagtalik sa kanyang anak na babae habang siya ay lasing o kaya'y si David na isinuong sa kamatayan ang isa sa kanyang mga pinuno upang mapangasawa lamang ang asawa niya.
Ang mga Propeta sa Islam ay higit na dakila kaysa sa mga ibinibintang ng istoryang ito.
Ang mga ganitong istorya ay walang katotohanan sa puntong pananaw ng Islam.
 
Ang mga Propeta rin ay mahimalang sinubaybayan ng Diyos at pinagtagubilinan Niya upang magpatotoo sa pagpapatuloy ng mensahe.
 
Ang nilalaman ng mensahe ng mga Propeta sa sangkatauhan ay maisasabuod na katulad ng mga sumusunod:

a. Ang maliwanag na kaisipan tungkol sa Diyos: Ang Kanyang katangian, ang Kanyang nilikha, ano ang marapat at di marapat na iakibat sa Kanya.

b. Ang maliwanag na paniniwala tungkol sa nalilingid na mundo, ang mga Anghel, ang mga Ispiritu (Jinns), ang Paraiso at Impiyerno.

k. Bakit tayo nilikha ng Diyos? Ano ang ninanais Niya sa atin at ano ang gantimpala o kaparusahan sa pagsunod o pagsuway sa Kanya.

d. Paano natin mapatnugutan ang ating lipunan ng ayon sa Kanyang kagustuhan? Ito, ang maliwanag na mga tagubilin at batas na kung maipapatupad nang tumpak at may pagkamatapat ay magbubunga ng isang maligaya at ulirang lipunan.

Maliwanag na sa mga paksang binabanggit sa itaas na walang maaaring makapalit ang mga Propeta. Maging sa panahong ito sa pagsulong ng agham, ang tangi lamang lantay na pinagkukunan ng kaalaman tungkol sa supernatural na mundo ay rebelasyon. Ang patnubay ay di maaaring makamit mula sa agham o maging mula sa mistikong karanasan. Ang una ay lubhang materyalistiko (makamundo) at lubhang limitado: ang pangalawa ay lubhang paksain at sa kalimitan ay lubhang nakakaligaw.
 
Ngayon, maaaring maitanong:
      
Ilan ang mga Propeta na isinugo ng Diyos sa sangkatauhan?  Tayo'y nakakatiyak lamang kung ano ang maliwanag na binabanggit sa Qur’an.  Ang Diyos ay nagparating ng isang Sugo (o higit pa) sa bawa’t bansa. Ito ay sa dahilang ang isa sa mga prinsipyo ng Diyos ay hindi Siya tatawag ng tao upang magsulit sa Kanya maliban nagpadala Siya sa kanila ng Propeta na nagturo kung ano ang marapat gawin at di-marapat gawin. Ang Qur’an ay bumabanggit ng pangalan ng 25 Propeta at nagsasaad din na mayroon pang ibang Propata na hindi binanggit ang pangalan kay Propeta Muhammad. Sa 25 na ito ay kasama sina Noah, Abraham, Moses, Hesus at Muhammad (sumakanila nawa ang kapayapaan) Ang limang ito ang pinakadakila sa pulutong ng mga Sugo ng Diyos. Sila ang tinatawag na (Ulol 'Azam) ang mga Propeta na may matatag na misyon.
 
Ang isang namumukod na pananaw ng pananampalatayang Islam tungkol sa pagiging Propeta ay ang paniniwala at paggalang ng Muslim sa lahat ng mga Sugo ng Diyos at ni isa sa kanila ay walang itinatakwil. Sapagka’t ang lahat ng mga Propeta ay mula sa Nag-iisang Diyos, sa makatulad na layunin na mapatnubayan ang sangkatauhan tungo sa Diyos - ang paniniwala sa kanilang lahat ay mahalaga at makatotohanan.  Sa kabilang banda, ang pagtanggap sa ilan at pagtakwil sa iba ay batay sa maling pag-aakala ng tao sa ginampanan ng Propeta o ang pagkiling sa kalahian. Ang mga Muslim lamang ang tanging tao sa mundo na nagtuturing ng paniniwala sa Propeta ng Diyos bilang isang artikulo ng pananampalataya.  Sa kabilang dako, ang mga Hudyo ay nagtatakwil kay Hesukristo at Muhammad at sa katotohanan ay nagtatakwil din kay Moses sapagkat hindi sila umaalinsunod sa kanyang mga batas.  Tanging mga Muslim lamang ang tumatanggap sa kanilang lahat bilang mga Sugo ng Diyos na nagdala ng patnubay sa sangkatauhan. Magkagayunman, ang mga rebelasyon mula sa Diyos na dinala ng mga Propetang yaon ay binago, sinusugan, at nilagyang daya ng tao sa pamamagitan ng isa o iba pang paraan.
 

Ang paniniwala sa lahat ng mga Sugo ng Diyos ay iniuutos ng Qur’an sa mga Muslim.
 
Inyong sabihin: “Naniniwala kami sa Allah at sa ibinaba (kapahayagan) sa amin, at sa ipinadala kina Abraham, Ismael, Isaac, Jacob, at sa Al-Asbat (labindalawang anak ni Jacob), at sa ibinigay kina Moises at Hesus, at sa mga ibinigay sa mga Propeta mula sa kanilang Rabb (Panginoon).  Hindi kami nagbibigay ng pagtatangi sa isa’t isa sa kanila, at kami ay sumusuko sa Kanya (bilang Muslim).”
(Qur’an 2:136)
 
Ang Qur’an
ay nagpatuloy sa mga sumusunod na talata upang payuhan ang mga Muslim na ang Islam ang siyang tunay at walang kinikilingang pananampalataya.  Kung ang ibang bansa ay sumasampalataya sa katulad nito, sila ay tumatahak sa tuwid na landas.  Kung iba ang kanilang pananaw, sila ay sumusunod lamang sa kanilang mga kagustuhan at kahinaan at sa ganoon, ang Diyos ang makapangyayari sa kanila, ating tunghayan:
 

Kaya kung sila’ y maniwala katulad ng inyong paniniwala, samakatuwid sila ay napatnubayan.  Subali’t kung sila’y tumalikod, magkagayon sila ay sumasalungat lamang (sa katotohanan).  Kaya sapat na ang Allah para sa  inyo laban sa kanila.  At Siya ang Nakaririnig ng lahat, ang Lubos na Maalam.  (Ang aming pananampalataya ay) ang Sibghah (relihiyon) ng Allah (ang Islam).  At anong relihiyon ang higit na mabuti kaysa sa relihiyon ng Allah?  At kami ay sumasamba sa Kanya. (Qur’an 2:137-138).

 
May dalawang mahalagang puntos (sa gitna ng karamihan) na nauugay sa pagka-Propeta na kinakailangang malinawagan. Ang mga puntong ito ay nauukol sa tungkuling ginampanan nina Hesus at Muhammad bilang Propeta na kalimitan ay di-nauunawaan.
 
Ang pagkakalantad ng Qur’an tungkol kay Hesus ay mahigpit na nagpapabulaan sa konsepto ng kanyang pagiging 'Diyos' o 'Anak ng Diyos', sa halip ay naglalarawan sa kanya bilang isa sa mga dakilang Propeta ng Diyos. Maliwanag  na binabanggit sa Qur’an na ang pagkasilang kay Hesus na walang ama ay hindi nangangahulugang anak siya ng Diyos at sa ganitong paksa, ang Qur’an  ay  bumabanggit tungkol kay Adan na nilikha ng Diyos na walang ama at ina:
 
Katotohanan! Ang katulad ni Hesus sa (paningin) ng Allah ay katulad ni Adam.  Nilikha siya mula alabok.  Kapag-daka’y sinabi (ng Allah) sa kanya: Kun (Maging!) Fayakun (at naroon na siya).   (Qur’an 3:59).
 
Katulad din naman ng iba pang Propeta, si Hesus ay nagsagawa rin ng mga himala. Halimbawa, binuhay niya ang patay at nagpagaling sa mga bulag at ketongin, ngunit kung nagpapamalas man siya ng ganitong himala, siya ay tandisang nagpapahayag na ito ay mula sa Diyos. Katotohanan, ang mga lihis na pag-akala tungkol sa katauhan at misyon ni Hesus ay namayani sa bunton ng kanyang tagasunod sapagkat ang maka-Diyos na mensahe na ipinangaral niya ay hindi naitala sa panahon ng kanyang pamamalagi sa mundo, bagkus ay naitala pagkalipas ng halos isang daang taon.

Ayon sa Qur’an, siya ay isinugo sa angkan ng Israel; siya ay nagpatotoo sa katotohanan ng Lumang Tipan na ipinahayag kay Moses at nagdala rin siya ng masiglang balita ng pagdating na pangwakas na Sugo na susunod sa kanya.
 
At (tandaan) nang sabihin ni Hesus, ang anak ni Maria,  “O angkan ng Israel, ako ang Sugo sa inyo na nagpapatotoo sa Tawrat (Torah na dumating nang) una sa akin, at nagbibigay sa inyo ng magandang balita ng isang Sugo na susunod sa akin, na ang pangalan ay Ahmad”. (Qur’an 61:6)
 
Magkagayunman, ang karaminahan ng mga Hudyo ay nagtakwil sa pangangaral ni Hesus. Sila ay nagbalak ng laban sa kanyang buhay at nangag-akala na siya ay namatay sa krus. Subali’t ang Qur’an ay nagpapabulaan sa ganitong opinyon at nagsasabi na siya'y hindi namatay o napako sa krus bagkus siya ay itinaas ng Diyos sa Kanyang piling. May isang talata sa Qur’an na nagpapahiwatig na si Hesus ay muling babalik at ang lahat ng mga Kristiyano at Hudyo ay maniniwala sa kanya bago siya mamatay. Ito ay sinasang-ayunan din ng mga kawikaaan ng Propetang si Muhammad (SAS).
 
Si Muhammad, ang huling Propetang ng Diyos ay ipinanganak sa Arabia noong ikaanim na siglo sa panahon ng Kristiyano (C.E.). Hanggang sa sumapit siya sa gulang na apatnapu, ang pamayanan ng Makkah ay kumakilala sa kanya bilang isang tao na may mataas at pinong pag-uugali at tumatawag sa kanya ng Al-Ameen (ang mapagkakatiwalaan). Hindi rin niya batid sa kanyang sarili na di maglalaon siya ay magiging Propeta at tatanggap ng mga rebelasyon mula sa Diyos. Siya ay nanawagan sa mga sumasamba sa mga  diyus-diyusan sa Makkah na sumamba lamang sa tangi at isang Diyos at tanggapin siya bilang Kanyang Propeta. Ang rebelasyon na kanyang tinanggap ay napanatili sa panahon ng kanyang pamumuhay at naisaulo ng kanyang mga kasamahan at naitala rin sa mga bahagi ng dahon ng palmera, balat ng hayop, atbp. Kaya nga't ang Qur’an na matatagpuan sa ngayon ay siya ring Qur’an na ipinahayag sa kanya na kahit isang kataga ay di nabago sapagka’t ang Diyos na rin ang gumarantiya sa pagiging dalisay nito. Ang Qur’an ay nag-aangkin bilang aklat ng patnubay sa buong sangkatauhan sa lahat ng panahon at bumabanggit kay Muhammad bilang pangwakas na Propeta ng Diyos.


Para sa karagdagang kaalaman tungkol sa Islam, makipag-ugnay lamang sa  pinakamalapit na Kilusang Pang-Muslim o Sentro sa inyong pook.

 
spacer