Thursday, 09 September 2010
Punong Pahina arrow Aralin arrow “Itay, pahinging sampung piso”!
“Itay, pahinging sampung piso”! PDF Ilimbag Ipadala sa Email

Si Mang Omar ay gabing-gabi na nang umuwi galing sa trabaho.  Sa kanyang paglalakad mula sa paradahan sa kanto, nasa isip pa rin niya ang kanyang pagkainis sa kanyang amo dahil pinatapos pa nito ang pagkabit ng pintuan ng bahay na kanilang ginagawa sa may Timog kahit tapos na ang oras ng trabaho.

“Ang kunat naman ng kumag na iyon, eh walang namang bayad ang abalang iyon.”, ang bulong niya sa kanyang sarili.  Maingat na inihahakbang ang tila nag-aapoy niyang mga paa sa kanyang paglalakad sa pagsapit sa masikip at maputik na iskinita patungo sa kanilang tirahan.  Sa bukana pa lamang ay tanaw na niya ang kanyang limang taong gulang na anak na si Jun-jun na nakaupo sa mahabang upuan sa may pintuan ng kanilang munting bahay.

 “O Jun-jun, bakit nandiyan ka pa, gabi na?”  ang tila inis niyang tanong sa kanyang anak.

“Hinihintay ko po kayo, itay.”   ang malamlam na sagot ng bata.
 
Umupo sa tabi ng bata si Mang Omar sa umuuga-ugang upuan upang maghubad ng kanyang gomang sapatos.
 
“Itay...” bantulot ang batang ituloy ang kanyang sasabihin sa kanyang ama.
 
“Ano na naman iyon?” ang pabalang na tanong ng ama.
 
“Magkano po ba ang suweldo ninyo sa isang oras?”  ang tanong ni Jun-jun sa ama.
 
“Ano na naman ang pumasok sa kokote mo at nais mong malaman ang suweldo ko?”   ang usisa ng ama.

“Gusto ko lang pong malaman.  Sige na itay,  magkano po ba ang suweldo ninyo bawa’t oras?”  Pakiusap ng maliit na bata.

“Kung kailangan mo talagang malaman, kumikita ako ng 20 piso sa isang oras.” Sabay ng pagpitik sa tainga ng bata.

Huminga ng malalim ang  bata at tumingin sa ama, “Itay, puwede po ba akong umutang sa inyo ng sampung piso?” habang himas-himas sa tainga nito.

Inis si Mang Omar at nagsabi: “Hoy, kung ang dahilan kaya gusto mong malaman ang kinikita ko bawa’t oras ay para umutang ka lang at bumili ng mga laruan at walang mga katuturang bagay,  aba’y mabuti pang pumunta ka na lang sa kuwarto at matulog!.  Pag-isipan mo ang iyong sobrang pagiging makasarili.  Nagpapakahirap ako sa trabaho araw-araw tapos ganyan ka!”
Mabilis na tumalima si Jun-jun at parang basang-sisiw na nagtungo sa kuwarto at marahang isinara ang pinto.

Naiwang bumubulung-bulong si Mang Omar habang inaalis ang medyas at pabalibag niyang inihagis ang kanyang mga sapatos sa loob ng bahay.  “Aba’ y hihingi lang ng pera kung anu-ano pa ang itinatanong!” ang kanyang bulalas sa sarili.

Makalipas ng ilang sandali, nang medyo naalis na ang pagod ni Mang Omar, siya ay nagsimulang nagmuni-muni at kanyang naisip na tila yata naging masyado naman siyang  marahas sa kanyang anak.  “Bihira naman siyang humihingi ng pera, marahil mayroon nga siyang kailangang bilhin", ang bulong niya sa kanyang sarili. Natangpuan na lamang ni Mang Omar ang sariling marahang kumakatok sa pintuan ng kuwarto,  “tulog ka na ba anak?” ang tanong niya.
 
“Hindi pa po itay, gising pa po ako,” ang malungkot na tugon ng bata.

Pumasok si Mang Omar sa kuwarto at nakitang niyang nakahiga na ang anak, nakatagilid at nakaharap sa may bintana.  “Anak, pasensiya ka na kanina ha?  Mali naman kasi ang tayming mo eh, pagod na pagod kasi ako sa trabaho at haba ng biyahe.” ang tila may pagsisising sinabi ng ama.

Hindi sumagot si Jun-jun, ni hindi siya lumingon sa ama at halatang pinipigil ang pag-iyak nito.

Umupo sa tagiliran ng papag si Mang Omar, “O huwag ka nang malungkot, ito na ‘yung 10 pisong hinihingi mo.”  sabay haplos sa likod ng bata.
 
Bumalikwas sa pagkakahiga si Jun-jun, siya’y umupo at nakangiting pinunas ang luha sa pisngi.  “Salamat po itay!” ang kanyang bulalas.  Sabik na kinuha ang pera at mabilis na kinapkap ang ilalim ng kanyang unan.  Isang plastik na supot na may lamang barya at nakalamukos na pera ang tumambad sa paningin ng ama.  Tumingin sa kanyang anak at napansin niyang puno ng sigla ang mukha ng bata habang inilalabas niya ang laman ng supot.
 
Dahil sa pagtataka, hindi niya maiwasang tumaas na naman ang kanyang boses, “bakit kailangan mo pa ng pera kung mayroon ka naman pala?” ang pag-uusisa ng ama.
 
“Kanina po kasi kulang pa ang pera ko, pero ngayon husto na po,” sagot ng bata.

May halong pagtataka pa rin ang mga mata ng ama, at tila naghihintay pa ng sasabihin ng bata.
 
“Itay, mayroon na po akong 20 piso ngayon… puwede ko po bang bilihin ang isang oras nyo?”   Simula po ng namatay ang inay, wala na po akong makausap.  Sige na po, itay.”  ang nagmamakaawang tinig na bata.

Niyakap ni Mang Omar ang kanyang anak, hindi mapigilan ang kanyang mga luha... “patawarin mo ako anak!  Hayaan mo’t hindi muna ako papasok bukas, at pangako ko sa iyo na hindi mo na kailangan pang magbayad para magsama tayo.”
 
Ang nasabing kuwento ay isang kathang-isip lamang upang magbigay aral sa mga magulang na ang tungkulin sa pamilya ay hindi lamang sa materyal na bagay.  Kailangan din nila ang ating panahon, patnubay, paglalambing, at pakikipaglaro sa kanila upang kanilang madama ang ligaya ng tunay na pamilya.

 
spacer