| Wikang Arabik at Araling Islamiko sa mga Paaralang Elementarya - mayroon na! |
|
|
|
|
ni Ibrahim Pineda Ang mga batang Muslim na nasa elementarya, mula una hanggang anim na baitang (grade 1 to 6) ay magkakaroon na ng pagkakataong makapag-aral ng wikang Arabik at Kulturang Islamiko. Ito ay programa ng gobyerno na tinatawag na (ALIVE) Arabic Language and Islamic Values Education. Ang programang ito ay alinsunod sa DEP-ED Order no. 51 series of 2004 na naglalayong panatilihin ang kulturang Islamiko ng mga Muslim.
Ito ay masasabing nating tugon sa hinaing ng mga magulang na Muslim lalung-lalo na yaong mga nakatira sa hindi Islamikong kapaligiran na nagnanais na palakihin ang kanilang mga anak nang may tamang kaalaman sa Islam. Dito sa Lungsod ng Angeles ay ginanap ang pagtitipon ng ilang mga magulang na Muslim sa Gabaldon Building sa Angeles Elementary School, Barangay Pulungbulu kaninang alas-9 hanggang alas-10 ng umaga (August 24, 2007). Sa nasabing pulong, na pinangasiwaan ni Mrs. Lansangan, (Coordinator ng Division of City Schools) ay tinalakay ang nasabing programa, na itinakdang magsisimula nitong unang araw ng Septyembre, 2007 – araw ng Sabado. Ang takdang pag-aaral ay ang mga sumusunod: Tuwing Araw ng Sabado (Throughout School year) Simula Septyembre 1, 2007. Wikang Arabik – Alas - 7:00 ng umaga hanggang alas-12:00 ng tanghali Break Time – Alas-12:00 ng tanghali hanggang alas-1:00 ng hapon. Kulturang Islamiko - Ala-1:00 ng hapon to alas-3:30 ng hapon. Sabay-sabay na idaraos ang ganitong pag-aaral sa labintatlong paaralang elementarya dito sa Angeles na kung saan may nag-aaral na mga batang Muslim: Sto. Rosario Elementary School, Lourdes Northwest ES, M. Nepomuceno ES, Sta Teresita ES, Tacondo ES, Amsic ES, Gueco Balibago ES, Pampang ES, CLEMENDES, EPZA ES, Salapungan ES, Sto. Domingo ES at Angeles ES. Ang pagtuturo ay ipapamahala sa mga Muslim – pitong (7) Ustaz (Guro) mula sa Mindanao na bihasa sa wikang Arabic at katuruang Islam. At ang kainaman nito, kahit mga batang hindi Muslim na nasa elementarya ay maaaring sumama kung sila ay interesado at nais ng kanilang mga magulang. Ang pag-aaral ay walang bayad. Ang mga mag-aaral mula una hanggang anim na baitang ay sabay-sabay na magsisimula sa unang antas (first level). Ito ay programa ng National Government. Tatlong taon na itong nagsimula sa Metro Manila. Tinatawagan ang mga Muslim na magulang na sumangguni sa mga paaralang elementarya na pinapasukan ng inyong mga anak upang makinabang sa programang ito. |