|
Tinipon ni Khalid Evaristo
O kayong mananampalataya! Ang Siyaam (pag-aayuno) ay ipinag-uutos sa inyo katulad ng ipinag-utos sa mga nauna sa inyo upang kayo’y magkaroon ng Taqwa(1). (Al-Baqarah 2:183)
Ano ang Siyaam?
Ang literal na kahulugan ng Siyaam ay “pag-iwas”. Sa talatang nabanggit, nangangahulugan ito ng pag-iwas sa pagkain, inumin at pakikipagtalik sa asawa simula bago magbukang-liwayway hanggang sa takip-silim.
Ang diwa ng Siyaam ay hindi lamang pagkait sa sarili ng pagkain, inumin o pakikipagtalik sa asawa, bagkus kailangan ding umiwas sa masasamang salita at napapakinggan, malalaswang nakikita, at di-kanais-nais na gawain. Si Propeta Muhammad(saws)2 ay nagsabi: Sinumang hindi umiwas sa pagsisinungaling, pandaraya at masamang gawain habang nag-aayuno, hindi tatanggapin ng Allaah ang pag-iwas niya sa pagkain at inumin. (Bukhari at Muslim) Mga Uri ng Pag-aayuno 1. Fareedah o Itinakdang Tungkulin
Ito ang Siyaam (pag-aayuno) sa buwan ng Ramadhaan. Isa sa limang haligi o pundasyon ng pananampalatayang Islam na dapat isagawa ng bawa’t Muslim lalake man o babae.
Si Propeta Muhammad(saws) ay nagsabi: Ang Islam ay nakasalig sa limang haligi: ang pagsaksi na walang tunay na diyos na dapat sambahin maliban sa Allaah at si Muhammad ay Sugo ng Allaah, ang pagsagawa ng Salaah, pagbabayad ng Zakat, pagganap ng Hajj sa Makkah, at ang Siyaam (pag-aayuno) sa Ramadhaan. (Bukhari at Muslim)
Ang hindi pagganap ng isa man sa mga ito nang walang matibay o makatwirang dahilan ay nangangahulugan ng pagkakasala. At sinumang tuluyang tumalikod sa isa man sa mga ito ay isang Kaafir (di-nananampalataya).
2. Sunnah o Sariling Kagustuhan (Boluntaryo o Kusang-loob na gawain)
Ito ang mga gawaing nagpapalapit sa Allaah sa pamamagitan ng pagsunod sa mga itinuro ng Propeta(saws).
Sinumang sumunod sa Propeta ay katotohanang sumunod sa Allaah… (Surah An-Nisa’a 4:80)
Sabihin (O Muhammad), Kung mahal ninyo ang Allaah, sumunod sa akin. Mamahalin kayo ng Allaah at patatawarin ang inyong mga kasalanan, sapagka’t ang Allaah ay lagi nang Mapagpatawad, ang Mahabagin. (Surah Al-Imran 3:31)
Ang Ilan sa mga Sunnah (Kusang-Loob na) Pag-aayuno
1. Anim na Araw sa Buwan ng Shawwal (ang sumunod na buwan pagkatapos ng buwan ng Ramadhaan). Sinabi ng Propeta (saws): Sinumang mag-ayuno ng anim na araw sa buwan ng Shawwal, mabibigyan siya ng gantimpalang katumbas ng pag-aayuno sa buong buhay niya. (Muslim, Abu Dawood, Nasaai, Tirmidhi, at Ibn Majah)
2. Sa mga Araw ng Beedh (maliliwanag na gabi ng ika-13, 14 at 15 ng bawa’t buwan).
Si Propeta Muhammad(saws) ay nagsabi: Ang pag-aayuno ng tatlong araw ng Beedh sa bawa’t buwan ay katumbas ng pag-aayuno sa buong buhay. (Muslim)
3. Tuwing Araw ng Lunes at Huwebes.
Si Propeta Muhammad(saws) ay nagsabi: Ang mga gawain ng tao ay inihaharap sa Allaah sa araw ng Lunes at Huwebes. Aking ninanais na ako’y nag-aayuno kapag ang aking mga gawain ay ihaharap sa Allaah. (Tirmidhi)
4. Sa Araw ng Arafaath (ika-9 ng Dhul Hijjah)
Si Propeta Muhammad(saws) ay nagsabi: Ang pag-aayuno sa Araw ng Arafaath ay nagsisilbing pambayad sa mga kasalanang nagawa sa dalawang taon. (nakaraang taon at darating na taon). (Ahmed, Muslim, Abu Dawood, Nisaai at Ibn Majah) Magkagayunman, ang pag-aayuno ay ipinagbabawal sa mga pelegrino sa araw na ito.
Si Umm Fazal ay nagsalaysay (kalugdan nawa siya ng Allaah): Nag-akala ang mga tao na nag-aayuno ang Propeta sa araw ng Arafaath, kaya pinadalhan ko siya ng gatas na kanyang ininom. Siya’y nagbibigay ng sermon noon sa Arafaath. (Bukhari at Muslim)
5. Tuwing Ikalawang Araw.
Si Abdullah bin Amr (nawa’y kalugdan siya ng Allaah) ay nagsalaysay na ang Propeta(saws) ay nagsabi: Mag-ayuno ka ng tatlong araw sa bawa’t buwan’. Aking sinabi: Mayroon akong higit na lakas kaysa diyan. Ang Sugo(saws) ng Allaah ay nangibabaw sa akin sa pagbawas ng bilang ng araw ng aking pag-aayuno hanggang sa kanyang sabihin: Mag-ayuno ka ng isang araw at huwag mag-ayuno sa susunod na araw. Ito ang mga pinakamahusay na pag-aayuno. Isinagawa ito ng aking kapatid na si (Propeta) Dawood. (Bukhari at Muslim)
Mga Araw na Ipinagbabawal ang Pag-aayuno
1. Sa Araw ng Eid-ul-Fitr at Eid-ul-Adha.
Si Abu Ubaid (nawa’y kalugdan siya ng Allaah) ay nagsalaysay na nagsagawa siya ng Salaah ng Eid kasama si Umar bin Khattab (nawa’y kalugdan siya ng Allaah), at sinabi niya sa kanya: Ipinagbawal sa atin ng Sugo ng Allaah ang pag-aayuno sa dalawang Eid, una kapag natapos mo ang iyong pag-aayuno (sa buwan ng Ramadhaan) at ang ikalawa kapag kumain ka na ng inialay na hayop’. (Bukhari)
2. Sa Araw ng Biyernes Lamang.
Isinalaysay ni Abu Hurairah (nawa’y kalugdan siya ng Allaah) : Narinig ko ang Sugo(saws) ng Allaah na nagsabi : Walang sinuman ang dapat mag-ayuno sa araw ng Biyernes lamang. Kung ninanais niyang mag-ayuno, samahan ito ng isang araw bago o pagkaraan nito (halimbawa : Huwebes at Biyernes o Biyernes at Sabado) (Bukhari)
Gayunpaman, kapag nag-aayuno ng bawa’t ikalawang araw at natapat ang isa sa mga ito sa araw ng Biyernes, pinahihintulutan ang pag-aayuno sa ganitong kalagayan.
3. Saum Wisaal (ang tuluy-tuloy na pag-aayuno nang walang patlang). Ang di-pagkain o di-pag-inom hanggang sa susunod na araw.
Nagsalaysay si Abu Hurairah (nawa’y kalugdan siya ng Allaah) na ipinagbawal ng Propeta(saws) ang tuluy-tuloy na pag-aayuno nang walang anumang kinakain sa oras ng takdang pagputol ng pag-aayuno hanggang kinabukasan. (Bukhari at Muslim)
4. Bago Magsimula ang Ramadhaan
Si Propeta Muhammad(saws) ay nagsabi: Walang sinumang dapat mag-aayuno ng isa o dalawang araw bago ang buwan ng Ramadhaan. Magkagayunman, kung palagian siyang nag-aayuno at natapat ang mga araw na ito, maaari niya itong gawin. (Bukhari at Muslim)
Ang Sugo(saws) ay nagsabi: Huwag mag-ayuno ng sariling kagustuhan (Sunnah) pagkaraan ng kalahati ng Shabaan (15 araw bago ang buwan ng Ramadhaan).
Magkagayunman, yaong mga tuwinang nag-aayuno ay di sakop nitong Hadith.
5. Araw-araw na Pag-aayuno
Si Abdullah bin Amr bin Aas ay nagsalaysay na si Propeta Muhammad(saws) ay nagsabi: Oh Abdullah, sinabi sa akin na lagi kang nag-aayuno sa araw at lagi kang gising sa gabi”. Ako’y sumagot, ‘Oo, o Sugo ng Allaah. Kanyang sinabi: “Huwag kang mag-aayuno nang ganito. Mag-ayuno at tapusin ito. Manatiling gising at matulog ka rin . May karapatan ang iyong katawan sa iyo. May karapatan ang iyong mata sa iyo. May karapatan ang iyong asawa sa iyo. May karapatan ang iyong panauhin sa iyo. Sinumang mag-ayuno nang tuloy-tuloy ay hindi itinuturing na nag-ayuno. (Bukhari at Muslim)
6. Mga Araw ng Tashreeq (ika-11, 12, at 13 ng Dhul Hijja)
Isinalaysay nina Ayesha at Ibn Umar (nawa’y kalugdan sila ng Allaah) na hindi pinahihintulutan ang pag-aayuno sa mga araw ng Tashreeq maliban sa mga pelegrino na hindi nakapag-alay ng hayop (Bukhari)
7. Ang Kusang-loob na Pag-aayuno ng Ginang ng Tahanan nang Walang Pahintulot ang Asawa.
Si Propeta Muhammad(saws) ay nagsabi: Walang ginang ang dapat mag-ayuno (ng sunnah) nang walang pahintulot ang asawa habang ang huli’y kasalukuyang naroroon. (Bukhari)
8. Sa Araw ng Aashoorah Lamang (ika-10 na Muharram)
Kung ninanais mag-ayuno sa Araw ng Aashoorah, nararapat na dagdagan ito ng isang araw bago o pagkaraan nito. (Halimbawa: ika-9 at ika-10, o kaya’y ika-10 at ika-11)
Mga Kondisyon ng Pag-aayuno
1. Intensiyon. Sa itinakdang tungkuling Siyaam, nararapat na may intensiyon na bago magbukang-liwayway. Sa mga pag-aayunong Sunnah, walang masama kung pagkatapos na ng bukang-liwayway ang pagkakaroon ng intensiyon.
2. Pag-iwas sa pagkain, inumin o anumang pamalit dito, at pakikipagtalik sa asawa.
Kailan ang Simula ng Pag-aayuno ng Ramadhaan
1. Ang pagtanaw sa bagong buwan ng Ramadhaan. Kadalasan, ito ay matatanaw sa ika-29 ng buwan ng Sha’ban (ang buwang sinusundan ng buwan ng Ramadhaan). Kapag ito ay nakita, ang pag-aayuno sa susunod na araw ay magsisimula na.
2. Kung maulap at hindi makita ang buwan sa ika-29 ng Sha’ban, dapat tapusin ang 30 araw ng Sha’ban sapagka’t ang araw na susunod ay ang unang araw ng Ramadhaan. Kailan Matatapos ang Pag-aayuno ng Ramadhaan
1. Ang pagtanaw sa bagong buwan ng Shawwal (ang buwang sumusunod sa buwan ng Ramadhaan)
2. Kung maulap at hindi makita ang buwan sa ika-29 ng Ramadhaan, dapat tapusin ang 30 araw ng Ramadhaan sapagka’t ang araw na susunod ay ang unang araw ng Shawwal.
Sino ang Dapat Mag-ayuno
1. Muslim (lalake o babae)
2. Tamang Gulang
3. Tamang Pag-iisip
Si Propeta Muhammad(saws) ay nagsabi: Ang panulat ay nakatigil sa tatlong tao: sa natutulog hanggang sa siya ay magising, sa isang bata hanggang sa siya ay umabot sa tamang gulang, at sa isang baliw hanggang sa siya ay tumino.
Sino ang Maaaring Magpaliban ng Kanyang Pag-aayuno.
1. Ang may karamdaman o sakit.
a. Ang may sakit na maaari pang gumaling. Maaari niyang ipagpaliban ang kanyang pag-aayuno subalit’t dapat siyang mag-ayuno pagkatapos ng Ramadhaan. Kung ilan ang bilang ng araw ng kanyang ipinagpaliban, iyon din ang bilang ng araw na dapat niyang isagawang pag-aayuno.
b. Ang may sakit na hindi maalis-alis, tuloy-tuloy at hindi na inaasahan pang gumaling. Dapat siyang magpakain ng isang dukha sa bawa’t araw na hindi pag-aayuno. O kaya’y maghanda ng pagkain at mag-anyaya ng mga dukha na ang bilang ay katumbas sa bilang ng araw na hindi siya nakapag-aayuno.
2. Ang mga matatanda na o yaong may mabibigat na trabaho na sadyang mahirap sa kanila ang pag-aayuno. Dapat magpakain ng isang dukha sa bawa’t araw na hindi pag-aayuno. O kaya’y maghanda ng pagkain at mag-anyaya ng mga dukha na ang bilang ay katumbas sa bilang ng araw na hindi siya nakapag-ayuno.
3. Ang Manlalakbay. Maaari niyang ipagpaliban ang kanyang pag-aayuno subalit’t dapat siyang mag-ayuno pagkatapos ng Ramadhaan sa bawa’t araw na ipinagpaliban. Kapag ang manlalakbay ay maaari niyang gawing maikli ang kanyang Salaah, ito ang palatandaan na maaari rin niyang ipagpaliban ang pag-aayuno hanggang sa siya’y makabalik sa kanyang tahanan.
Kaya yaong may sakit o naglalakbay ay dapat mag-aayuno ng katumbas na bilang ng araw (na ipinagpaliban). Qur’an 2:185
Isinalaysay ni Aisha (naway’y kalugdan siya ng Allaah) na si Hamza bin Amr Aslami isang Sahaba na laging nag-aayuno ay nagtanong kay Propeta Muhammad(saws): Maaari ba akong mag-ayuno kapag naglalakbay? Sinabi ng Sugo ng Allaah, Maaari kang mag-ayuno kung nais mo o huwag kang mag-ayuno kung ayaw mo. (Bukhari at Muslim)
4. Ang Nagdadalang-tao o Nagpapasuso ng Sanggol. Kung nangangamba na makapipinsala sa kanya at sa kanyang sanggol ang pag-aayuno, maaari niyang ipagpaliban ang kanyang pag-aayuno, subalit’t dapat siyang mag-ayuno sa bawa’t araw na ipinagpaliban.
Ang Propeta(saws) ay nagsabi: Pinahihintulutan ng Allaah na hindi mag-ayuno ang isang manlalakbay at pinahihintulutan siyang igsihan ang Salaah, (gayundin, pinahihintulutang magpaliban sa pag-aayuno) ang isang nagdadalantao at ang nagpapasusong ina (sa kanyang sanggol). (Imam Ahmad)
5. Ang Kasalukuyang nasa buwanang regla (menstrual period) at ang kapapanganak na ina (postnatal period) ay dapat ipagpaliban ang pag-aayuno. Subali’t nararapat siyang mag-ayuno pagkatapos ng Ramadhaan sa bawa’t araw na ipinagpaliban.
Mga Nagpapawalang-saysay ng Pag-aayuno.
a. Sinumang nakagawa ng mga sumusunod ay nangangailangang mag-ayuno pagkatapos ng Ramadhaan upang gampanan ang nasirang araw (o ang nakaligtaang araw ng pag-aayuno)
1. Ang sinadyang pagkain at pag-inom, maging ang mga ito ay pinahihintulutan o bawal, nakapipinsala o hindi, kaunti man o marami. Kaya naman, ang paninigarilyo na sadyang nakapipinsala at bawal ay nakapagwawalang-saysay ng pag-aayuno.
2. Ang pagpa-iniksiyon ng gamot na nagsisilbing pagkain. (Intravenous Feeding)
3. Ang sinadyang pagpapalabas ng punlay sa mga oras ng pag-aayuno sa pamamagitan ng paglalaro sa sarili o anupaman.
4. Ang sinadyang pagsuka.
5. Ang pagdating ng buwanang regla.
6. Ang pagkuha o pagpapalabas ng dugo sa pamamagitan ng “Cupping” (vacuum cups)
b. Sinumang nakagawa ng sumusunod ay nangangailangan ng pag-aayuno pagkatapos ng Ramadhaan upang gampanan ang nasirang araw (o ang nakaligtaang araw ng pag-aayuno), at gayundin ang pagbibigay kabayaran upang maibsan ang ginawang kapabayaan.
1. Ang pakikipagtalik sa asawa. Ito ang pinakamalubhang magagawa ng isang nag-aayuno dahil bilang kabayaran, dapat niyang gampanan ang mga sumusunod (Ayon sa pagkasunod-sunod ng mga ito):
a. Pagpapalaya ng alipin. Kung hindi maaari,
b. Mag-ayuno ng magkasunod na dalawang buwan. Kung hindi ito makayanan,
c. Magpakain ng 60 katao.
Sinumang gumawa sa alinman sa mga naturang nagpapawalang-saysay ng pag-aayuno, ang mga apat na sumusunod ang magiging bunga:
1. Pagkakasala.
2. Pagpapawalang-saysay ng Pag-aayuno.
3. Ang tungkuling ipagpatuloy ang pag-aayuno hanggang takip-silim.
4. Ang pag-aayuno pagkatapos ng Ramadhaan upang gampanan ang mga nasirang araw.
Upang makatiyak kung ang pag-aayuno ay nawalang-saysay nga o hindi, nararapat na naroroon ang sumusunod na kondisyon :
1. Kaalaman – Kung nagawa ito dahil sa kamangmangan sa oras o sa batas, hindi nawalang-saysay ang kanyang pag-aayuno. Halimbawa: Kung siya’y patuloy na kumakain sa pag-aakalang hindi pa sumapit ang bukang-liwayway, o kaya’y kumain na bago magtakip-silim sa pag-aakalang lumubog na ang araw, ang kanyang pag-aayuno ay hindi nawalang-saysay. Kung nagpa-cupping dahil hindi niya alam na ito ay nagpapawalang-saysay ng pag-aayuno, ang kanyang pag-aayuno ay mananatiling may saysay.
2. Kamalayan – Kung nagawa ito dahil sa pagkalimot, hindi nawalang-saysay ang kanyang pag-aayuno. Halimbawa: Nakakain o nakainom na hindi namamalayan, mananatiling may saysay ang kanyang pag-aayuno.
Si Propeta Muhammad(saws) ay nagsabi: Sinumang kumain o uminom na nakalimutang siya’y nag-aayuno, hayaang ipagpatuloy niya ang kanyang pag-aayuno. Ang Allaah lamang ang nagpakain sa kanya at nagbigay inumin sa kanya. (Ahmad)
3. Kagustuhan – Kung nagawa ito dahil napilitang gawin ito, ang kanyang pag-aayuno ay mananatiling may saysay. Halimbawa: Kung ang lalaki ay pinilit ang asawa sa pakikipagtalik at ang huli’y hindi niya kayang pigilin siya, ang ginang ay hindi mananagot sa anumang kabayaran o sa anumang pag-aayuno pagkatapos ng Ramadhaan.
Mga Tagubilin sa panahon ng Pag-aayuno
1. Kumain ng Suhoor(3) bago magbukang-liwayway sapagka’t may Barakah(4) dito. Si Propeta Muhammad(saws) ay nagsabi: Kumain ng Suhoor sapagka’t may Barakah dito. (Bukhari at Muslim)
2. Pagpapaliban ng Suhoor hanggang sa huling bahagi ng gabi. Higit na kanais-nais na ipagpaliban ang pagkain ng Suhoor hanggang sa huling bahagi ng gabi. Ito ay nakapagpapagaan sa pag-aayuno.
Isinalaysay ni Abu Hurairah, nawa’y kalugdan siya ng Allaah, na ang Sugo(saws) ng Allaah ay nagsabi: Kapag narinig ang Adhan at ang baso ng tubig ay nasa kamay, hindi dapat huminto sa pag-inom bagkus bigyang kasiyahan ang pangangailangan. (Abu Dawood)
3. Pagtigil ng pag-aayuno sa oras na lumubog ang araw.
4. Pagtigil ng pag-aayuno sa pamamagitan ng pagkain ng datiles, o pag-inom ng tubig.
5. Palaging manambitan sa Allaah habang nag-aayuno.
Mga Di-kanais-nais na Gawain sa Panahon ng Pag-aayuno
1. Ang pagpapabayang umabot sa lalamunan ang tubig habang nagmumumog.
2. Paghalik at pagkarinyo sa asawa kung walang pagpipigil sa sarili.
3. Pagtikim sa pagkain o inumin nang walang katanggap-tanggap na dahilan. Mga Pinahihintulutan sa Panahon ng Pag-aayuno
1. Paliligo, paglangoy at ang paghilamos upang maibsan ang init.
2. Paggamit ng Siwak (isang ugat ng halaman) sa paglilinis ng ngipin.
3. Pagtikim ng pagkain o inumin na hindi nilulunok. (Kung ito ay kinakailangan).
4. Pagpapabango o paglanghap ng pabango.
5. Paggamit ng anumang halal na gamot na hindi nakabubusog katulad ng iniksiyon, pagpatak sa tainga o mata, atomizer para sa mga may asthma. Anumang nilulunok na gamot ay bawal.
Mga Kabutihan ng Pag-aayuno sa Buwan ng Ramadhaan
Isinalaysay ni Abu Hurairah (nawa’y kalugdan siya ng Allaah) na si Propeta Muhammad(saws) ay nagsabi: Kapag nagsimula na ang Ramadhaan, ang mga tarangkahan ng Paraiso ay nakabukas at ang mga tarangkahan ng Impiyerno ay nakasara, at ang mga Demonyo ay nakakadena. (Bukhari at Muslim)
Si Propeta Muhammad(saws) ay nagsabi: Kapag dumating na ang Ramadhaan, isagawa mo ang iyong Umrah. Ang biyaya ng Umrah (sa buwan ng Ramadhaan) ay katulad ng pagsagawa ng Hajj. (Muslim)
Si Propeta Muhammad(saws) ay nagsabi: Ang pag-aayuno at ang Qur’an ay mamamagitan sa alipin sa Araw ng Paghuhukom. Ang pag-aayuno ay magsasabi: ‘O aking Rabb (Panginoon)! Pinigilan ko ang aliping ito sa pagkain, inumin at pagnanasa, kaya tanggapin ang aking pamamagitan sa kanya’. Ang Qur’an ay magsasabi: “O aking Rabb! Pinigilan ko ang aliping ito sa pagtulog sa gabi, kaya tanggapin ang aking pamamagitan sa kanya’. Kaya naman, ang pamamagitan ng dalawa ay tatanggapin. (Ahmed at Tabrani)
Isinalaysay ni Abu Hurairah, nawa’y kalugdan siya ng Allaah, na si Propeta Muhammad(saws) ay nagsabi: Ang gantimpala ng bawa’t mabuting gawa ay umaabot sa 10 hanggang 700 (ayon sa layunin at katapatan); subali’t tungkol sa gantimpala ng pag-aayuno, ang Allaah ay nagpahayag, Ang pag-aayuno ay para sa Akin at Ako mismo ang maggagawad ng gantimpala. Ang taong nag-aayuno ay tinatalikuran ang kanyang pagnanasa, pagkain at pag-inom dahil sa Akin. Siya’y mabibigyan ng dalawang kasiyahan. Ang una’y sa takdang pagtigil ng kanyang pag-aayuno at ang pangalawa’y sa sandaling makaharap niya ang kanyang Rabb. (Bukhari at Muslim)
Ang Sugo(saws) ay nagsabi: Ang amoy ng bibig ng isang nag-aayuno ay higit na kasiya-siya sa Allaah kaysa sa halimuyak ng pabangong musk. (Bukhari at Muslim)
Si Propeta Muhammad(saws) ay nagsabi: Ang pag-aayuno ay nagsisilbing pananggalang laban sa masasamang gawain. Magkagayon, kapag ang isang tao ay nag-aayuno, dapat siyang umiwas sa masasamang salita at pagsisinungaling. Kung sakaling mang may mang-alipusta o makipag-away sa kanya, dapat niyang sabihin: ‘Ako ay nag-aayuno’. (Bukhari at Muslim)
Si Propeta Muhammad(saws) ay nagsabi: May 8 tarangkahan ang Paraiso. Ang tawag sa isa ay Rayyan. Ang mga nag-aayuno lamang ang makapapasok sa tarangkahang ito. (Bukhari at Muslim)
Si Propeta Muhammad(saws) ay nagsabi: Ang kasalanan ng mga mananampalataya ay napapatawaran sa huling gabi ng Ramadhaan. May nagtanong sa Propeta(saws), Ito ba ang gabi ng Lailatul-Qadr (Gabi ng Pagpapasiya)? Siya(saws) ay sumagot: Hindi, ang manggagawa ay laging binabayaran pagkatapos ng kanyang gawain. (Bukhari, Muslim at atbp.)
Ano ang Matutuhan sa Pag-aayuno
1. Ang pagiging matapat sa Allaah. Dito masusubok ang katapatan sa pagsunod sa kautusan ng Allaah sa pamamagitan ng pagtalikod sa mga likas na pangangailangan at hangarin upang sumunod lamang sa Kanyang ipinag-uutos.
2. Nagtuturo sa tao na maging hari ng mismong sarili. Siya ang may kontrol sa kanyang mga naisin at hindi ang kanyang mga pangangailangan ang maghari sa kanya. Kung kaya niyng iwasan ang mga halal na bagay sa pag-aayuno, higit na magaan sa kanya ang pag-iwas sa mga haram na bagay.
3. Ang pagkakaroon ng Taqwa. Ito ang pagsagawa sa mga ipinag-uutos ng Allaah at ang pag-iwas sa Kanyang mga ipinagbabawal.
4. Ang pagkakaroon ng pasasalamat sa Allaah. Mararamdaman ng isang nag-aayuno mula sa kanyang pag-iwas sa mga likas na pangangailangan ang kahalagahan ng mga ito sa kanya. Dito niya mapapagtanto na kahit isang patak lamang ng tubig ay sadyang napakahalaga upang pasalamatan niya ang Allaah.
5. Ang pagkakaroon ng damdaming tumulong sa kapwa. Nararamdaman ng isang nag-aayuno ang gutom at uhaw na nadarama ng mga naghihikahos na kadalasa’y sumasala sa pagkain. Kaya naman, tutubo sa kanya ang pagbibigay tulong sa mga dukha.
6. Ang pagkakapatiran sa Islam. Mararamdaman ng isang nag-aayuno na kabilang siya sa bilyung-bilyong mga Muslim sa buong mundo na sabay-sabay na nag-aayuno at sabay-sabay na kumakain ng Fatoor.
Nawa’y tanggapin ng Allaah ang pagsisikap na ito. Hangad ko ang Kanyang kasiyahan at pagpapala, Ameen.
Mga Talababa:
1.Taqwa: Ang pagkakaroon ng takot sa Allaah sa pamamagitan ng pagsamba lamang sa Kanya, pag-iwas sa pagbibigay katambal sa Kanya, buong pusong pagsunod sa Kanyang mga ipinag-uutos, pag-iwas sa Kanyang mga ipinagbabawal at ang pag-asam sa Kanyang Habag sa pamamagitan ng paniniwala sa Kanyang mga ipinahayag.)
2. saws.) Ang pinaikling Sallallaahu Alaihi Wasallam. Isang pangungusap na binabanggit sa tuwing sasabihin o maririnig ang pangalan ni Propeta Mohammad, na nangangahulugan ng “Nawa’y itampok ng Allaah ang pagbanggit sa kanya at ilayo siya sa anumang kamalian (imperfection) at iligtas siya sa anumang masama (evil)
3.Suhoor: Ang inihandang pagkain na dapat kainin bago magbukang-liwayway ng sinumang Muslim na may layuning mag-aayuno sa araw na iyon.)
4. Barakah: Ang kasaganaan at tuloy-tuloy na kabutihan.)
Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa Islam, mangyaring makipag-ugnayan sa mga sumusunod na tanggapang pang-Islamiko :
Islamic Studies, Call & Guidance of the Philippines (ISCAG – Philippines) Congressional Road, Salitran-I Dasmarinas, Cavite, Philippines Telephone No. 0063-46-4163371 Fax No. 0063-46-5061451 www.iscag.com
Islamic Library & Information Office (IL&IO) P.O. Main Box 52916 Stall-B, HL Commercial Building, Pandan Citicenter – Phase-I Magalang Road, Angeles City Tel.No. 0063-45-8874577
|